Vlogger Zeinab Harake umabot na sa 10 million ang subscribers sa YouTube

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2021 08:50 PM

Galing sa Instagram ni Zeinab Harake

Sinamahan ng vlogger na si Zeinab Harake ang mga aktres na sina Ivana Alawi at Alex Gonzaga sa grupo ng content creators na may 10 milyon subscribers sa YouTube. 

Sa bagong labas na vlog, ibinahagi ni Harake sa kaniyang milyon-milyong tagapanood ang panibagong milestone sa channel. 

“On the way na ‘yung diamond play button natin dahil 10 million na tayo,” masayang panimula ng buntis na vlogger. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Zebby (@zeinab_harake)

Matapos pasalamatan ang mga sumusuporta sa kaniya, ikinuwento nito na simpleng selebrasyon lamang ang kanilang ginawa upang ipagdiwang ang tagumpay kasama ang kaniyang pamilya at Team Zebby. 

“Hindi ko alam kung lahat sila laging nanonood ng videos ko. Pero dun pa lang sa point na na-reach ko yung 10 million, sobrang saya at sobrang blessed ko nang tao,” ani Harake.

Dahil hindi maaaring lumabas dahil sa pandemya at sa kaniyang pagbubuntis, inutusan na lamang ni Harake ang kaniyang mga kasamahan na magpamahagi ng grocery package at P10,000 para sa 10 street vendors. 

Hindi napigilang maluha ng ilan sa mga nabigyan ng tulong ng grupo ni Zeinab na nabigla sa natanggap. 

“Maraming salamat. Hulog kayo ng langit,” tugon ng isa sa mga naabutan ng tulong. 

Nito lamang nakaraan, nag-a-la Disney princess si Harake para sa kaniyang maternity photoshoot kung saan ginaya nito sina Snow White, Belle, Ariel, Aurora, Cinderella, at Jasmine. 

Sa pagsisimula ng 2021, inanunsyo ng vlogger na babae ang magiging unang anak nila ng partner na si Skusta Clee. 

 Related video:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.