Maja, Jodi, Nadine at Shaina, gaganap na Elsa sa 'Himala' para sa fundraiser

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2020 03:00 PM | Updated as of Apr 20 2020 05:38 PM

MAYNILA — Gagampanan nina Maja Salvador, Jodi Sta. Maria, Nadine Lustre at Shaina Magdayao ang iconic role ni Nora Aunor sa pelikulang “Himala” sa isang online all-star fundraiser para sa mga manggagawa ng pelikula.

 

Bukod kay Nora, may special participation din ang 1982 original makers ng “Himala” na sina Ricky Lee, Joel Lamangan at Charo Santos sa proyektong binansagang "Gabi ng Himala: Mga Awit at Kwento" ngayong Martes, April 21, 2020, alas otso ng gabi.

Aalingawngaw muli ang unforgettable monologue at linya ni Nora bilang Elsa na "walang himala!" na bibigyan ng bagong interpretasyon nina Maja, Jodi, Shaina at Nadine. 

I-interpret din nina Tom Rodriguez, Raymond Bagatsing at ang transgender actor na si Iyah Mina ang ilang eksena.

Ayon kay Lee, binigyan nila ng kalayaan o artistic license ang lahat ng kasali sa project. 

“Walang gender, lahat puedeng mag monologue!” aniya.

Gaganap din si Piolo Pascual bilang si Orly (Spanky Manikan sa pelikula); at Angelica Panganiban bilang Nimia (Gigi Dueñas sa pelikula).

 

Gamit ang Zoom, dinirek ni Joyce Bernal si Piolo sa eksenang ini-interview ni Orly si Elsa.

Natuwa din si Lee na pumayag si Direk Olivia Lamasan, Star Cinema managing director, na gabayan sina Maja (bilang Elsa) at Angelica (bilang Nimia ) sa isang confrontation scene.

Para sa "Walang himala!" monologue, dinirek ni Lav Diaz sina Shaina at Raymond Bagatsing. 

Nag-emote naman si Nadine sa direksyon ni Petersen Vargas.

Si Sigrid Bernardo naman ang nagdirek kay Iyah, samantalang si Ricky Davao naman ang direktor ni Tom Rodriguez na gaganap na pari na unang ginampanan ni Joel Lamangan.

Makahulugan kay Lee ang project. 

“Malungkot ang panahon but how good na may silbi pa rin ang ‘Himala’ at this time, still resonant and resurrected always for a purpose. In a way, 'yan ang himala,” ani Lee.

Nagpasalamat din siya sa partisipasyon ni Nora na magbibigay ng mensahe sa industriya. 

Sana daw makatulong ang pabenepisyo sa libo-libong no work no pay na trabahador ngayon, mga utility, gaffer, make-up artists, taga wardrobe, mga extra all the way up sa mga writers and actors. 

 

“Ang goal is to help 1,500 workers na walang kasigaruduhan ang trabaho at income even after the lockdown,” ani Lee.

Mapapanood online ang “Himala” sa Facebook pages ng Lockdown Cinema Club, Star Cinema, at ABS-CBN Film Restoration. 

Tampok din dito ang song numbers mula sa “Himala: The Musical” sa natatanging interpretasyon nina Lea Salonga, Bituin Escalante at Aicelle Santos.

Kakantahin ni Lea ang “Gawin Mo Akong Sining”; Aicelle, “Walang Himala”; at si Bituin naman ang aawit ng inspirational song para sa displaced workers na “Sapagkat Mahal Kita.”

Maari namang ipadala ng donasyon dito.

Iho-host nina Ryan Agoncillo at Bianca Gonzalez ang “Himala” fundraiser na sinimulan ng Directors Guild of the Philippines, Lupon ng Pilipinong Sinematograpo, and Ricky Lee Film Scriptwriting Workshop.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.