Bela Padilla, time out muna sa love life

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2017 12:22 PM

MANILA -- ​Sa press con ng "My Dear Heart" nitong Enero, kinumpirma ni Bela Padilla ang break-up nila ng kanyang long-time boyfriend, ang businessman at producer na si Neil Arce. 

At kahit hiwalay na, ayon kay Bela, nanatili naman daw silang magkaibigan. Pero hindi naging madali ang lahat para sa Kapamilya actress dahil kasama niya ang ex-boyfriend na si Neil sa pagbuo ng pelikulang "Luck at First Sight" kung saan si Bela mismo ang bida.

Sa press conference ng "Luck at First Sight," inamin ni Bela ang hirap na pinagdaanan niya habang ginagawa ang movie at ang leading man na si Jericho Rosales umano ang palagi niyang nakakausap sa mga problema. 

"Lahat kasi nangyari habang nagshu-shooting kami 'Luck at First Sight' at nakikita ko na 'yung mukha niya (ni Echo) na parang eto na naman mag-o-open up na naman siya kasi ang bigat," ani Bela.

"Ang bigat! Napagod ako sa inyo! Akala ko masayang pelikula ito," ani Jericho.

At isa raw sa naging bonding nila ni Echo para makalimot sa sakit ng break-up, ang manood ng Coldplay concert. 

"Nagkita kami doon kasama niya si Kim, nilibre niya ako ni Echo ng beer. Actually kung sinu-sino, marami akong friend na nanood ng Coldplay lumipat-lipat din naman ako," ani Bela.

Bukod sa pagiging bida ng pelikula ay naging bahagi din ng creative at production team si Bela na inaming personal choice nila ni Neil si Jericho para gumanap dito. 

"When we were thinking of the concept, we couldn't think of anyone to play Joma kundi si Echo, we're very very thankful and lucky na pumayag siya," ani Bela.

"Pangarap ko ang ganito mga pelikula ganito gusto ko ginagawa 'yung nage-enjoy lang ako nagsasaya lang ako yung walang bigat," ani Bela.

Sa ngayon, time out muna sa love life si Bela at focus daw muna sa trabaho at pamilya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.