Cast ng ‘Huwag Kang Mangamba’ ipinasilip ang mga kuwarto sa lock-in taping

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2021 06:52 PM

Screenshot mula sa vlog ng Squad Plus.

Magkakasama sa isang lugar ang cast ng inspirational series na “Huwag Kang Mangamba” upang maiwasan ang pagkakahawa ng coronavirus habang ginagawa ang palabas. 

Kaya naman karamihan sa kanila ay samu’t sari ang dala upang mapunan ang pangangailangan sa lock-in taping kagaya ng mga pagkain, kasuotan, folding bed, at iba pa. 

Sa vlog na inilabas ng Squad Plus, inikot ni Seth Fedelin, na gumaganap bilang Pio sa serye, ang kuwarto nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, at beteranang aktres na si Sylvia Sanchez.

Unang pinasok ni Fedelin ang kuwarto ng kaniyang onscreen partner na si Brillantes na excited na ipinasilip ang mga gamit. 

Kuwento ng batang aktres, kadalasan ay dalawang lamesa ng pagkain ang baon nito sa lock-in taping ngunit dahil may sinusunod na itong diet mula nang mag-debut, binawasan na niya ang dala.

May bitbit din siyang sariling lutuan kagaya ng air fryer upang makapaghanda ng sariling pagkain kung kinakailangan. 

Ngunit sa lahat ng gamit na dala niya, ang wig ng kaniyang karakter na si Mira ang pinakamahalaga umano sa kaniya. 

“Mawala na lahat. Mawala na ako. Masugatan na mukha ko. Huwag lang siya (wig). Ito ang aking kayamanan,” pahayag ni Brillantes. 

Sunod na pinuntahan ni Fedelin kasama na si Brillantes ang kuwarto ni Francine Diaz na gumaganap bilang Joy sa teleserye. 

Nahihiya pa sa simula si Diaz na ipakita ang kaniyang kuwarto ngunit wala itong nagawa sa kasamahan sa Squad Plus.

Unang napansin ng dalawang artista ang folding bed na dala ni Diaz dahil hirap umano itong makatulog sa hindi niya higaan.

Sa kabilang bahagi ng kaniyang kwarto ay ang makeup station kung saan ito nagpapaayos bago sumalang sa mga eksena. 

Watch more in iWantTFC

Huling pinuntahan ng tatlong batang aktor ang kuwarto ni Sanchez na tila sari-sari store sa dami ng pagkain. 

Paliwanag ng batikang aktres, sinadya niya talagang bumili ng pagkain para sa mga kasamahan dahil bawal silang lumabas sa lugar kung saan isinasagawa ang lock-in taping. 

Dagdag pa ni Sanchez, palagi umanong tumatakbo sina Diaz at Brillantes sa kaniyang kuwarto upang humingi ng makakain. Nag-enjoy din ang Squad Plus sa mga relaxation equipment na bitbit ni Sanchez.

Mapapanood ang “Huwag Kang Mangamba” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa Facebook, TV5, iWantTFC, at TFC.

RELATED VIDEOS:

Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.