PatrolPH

Tirso Cruz III at asawang si Lynn, may payo sa couples habang naka-lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 11:35 AM | Updated as of Apr 17 2020 11:46 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA — Ang pagsayaw ng zumba ang isa sa mga aktibidad ngayon ng mag-asawang sina Tirso Cruz III at Lynn Ynchausti.

Ang kanilang sabay na paghataw ay kinagigiliwan ng kanilang tagasunod at mga tagahanga sa Instagram.

Sa “Magandang Buhay” nitong Biyernes, nagkuwento ang dalawa tungkol sa kanilang nakakatuwang workout habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa banta ng coronavirus disease.

“Ang umpisang nag-zumba rito si Lynn talaga,” ani Tirso. 

“Kasi nung una April 1, birthday niya, naka-pajama siya nung sumali siya sa akin nung zumba. Sabi ko i-vi-video ko ito. Sabi niya, ‘Bahala ka kung gusto mo i-video basta 'di ako magpapalit ng damit.’ Well anyway, nagpalit siya nung sumunod ng araw eh okay naman na sobrahan,” kuwento ni Lynn.

“Since nandito lang kami sa bahay, naisip ko nga para maging healthy pa rin kami, hindi 'yung nakahiga lang,” dagdag ni Lynn.

Ayon kay Tirso, sa kabila ng lahat ay nakikita niya ang kabutihan ng quarantine dahil nagkaroon siya ng oras para sa kanyang pamilya.
 
“Para bang in a way ay nakabuti ang quarantine dahil nagkaroon ng bonding time para sa family, para sa amin. Although 'yun nga kung minsan ay nagkakainitan na ng ulo,” pag-amin ni Tirso.

Nang hingin ang payo sa mga mag-asawa para maiwasan ang away habang naka-quarantine, sagot ni Lynn: “Kailangan magkaroon ng patience sa bawat isa at higit sa lahat, umaga at gabi, nananalangin kami sa Panginoon. 'Yun ang nagpapatibay sa amin, kahit within the day ay nag-aaway kami, balewala yon eh.'Yung away namin ay away-away lang, we don’t take it seriously, hindi rason para maghiwalay. So prayers talaga ang importante sa mag-asawa.”

Dagdag ni Tirso: “Yun (pagdarasal) nakakatulong talaga. Kapag nagdarasal kami, hindi ba aside from family ay naaalala mo rin ang mga kaibigan, ipinagdarasal mo rin ang mga kaibigan mo lalo na itong pinagdadaanan natin. Karamihan ng kaibigan namin kung hindi man namin mabanggit completely lahat, sinasabi lang namin sa Panginoon, 'Panginoon, pangalagaan mo ang mga kaibigan namin at pamilya nila and of course ang ating mga frontliner.'”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.