PatrolPH

Alex Calleja at iba pang komedyante tampok ng iWant sa panahon ng lockdown

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2020 12:15 PM | Updated as of Apr 17 2020 02:31 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Alex Calleja (@alexcalleja1007) on

MAYNILA — Kasunod ng iba’t ibang kolaborasyon ng mga singer at musikero, mga komedyante naman ang tampok na aliwan sa internet. 

Streaming ngayong Biyernes ng alas otso ng gabi sa iWant ang “Tawa-Tawa Together” nina Alex Calleja at iba pang komedyante.

Kabilang sa mga tampok na katatawanan ang bugtungan nina Calleja at “Goin’ Bulilit” kids at ang ekslusibong home tour ni Vandolph Quizon at kanyang pamilya ng kanilang tahanan sa Paranaque. 

Ayon kay Calleja, tumugon lang siya at iWant sa napakaraming request sa mga Pinoy dito at sa abroad na makapanood ng komedya sa panahon ng krisis. 

“Pang mental health din," sabi ni Calleja sa ABS-CBN News 

“Ang dami kasing nakakulong lang talaga sa bahay, tulad ng mga estudyante sa dormitoryo. Nakaka-depress para sa iba ‘yon. Kailangan din natin matawa!” ani Calleja.

Pinaghalo din ni Calleja ang impormasyon at comedy sa spoof niya ng proper washing of hands gamit ang plato at paggamit ng mask na may kandila. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Alex Calleja (@alexcalleja1007) on

Kasama ni Calleja sa “Tawa-Tawa Together” sina Nonong Ballinan, Crazy Duo, Sir Rex at James Caraan, gayundin ang “Goin’ Bulilit” kids na sina Raikko Mateo, Chunsa Jhung, Sophia Reola, Enzo Pelojero at 
Carlo Mendoza. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Alex Calleja (@alexcalleja1007) on

Natawa lang si Calleja sa tanong kung malaki ang budget sa bagong handog ng iWant. 

“‘Di na ako nagtanong, ha! Sa panahong ito magiging choosy ka pa ba? Saka na lang pag-usapan!” aniya.

Aminado ang “It’s Showtime” writer na maraming nawalang trabaho at raket sa mga komedyanteng tulad niya nung mag-umpisa ang lockdown nung Marso. 

“Wala na 'yung mga weddings and other private events,” ani Calleja. 

Bumabawi na lang daw siya sa mga manufacturers at iba pang korporasyon na kinontrata siya para aliwin online ang mga trabahador sa factories na nanonood sa malalaking screen. 

May daily Facebook comedy live din si Calleja tuwing ala sais ng gabi. 

Pinapatotoo muli ng mga komedyante, ‘di pa rin mawawala ang Pinoy humor sa lahat ng panahon kahit na tila tumigil ang mundo sa panahon ng pandemikong sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.