Sylvia Sanchez, di inasahan ang pagsabak sa showbiz nina Arjo, Ria

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2019 06:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Proud na nanay si Sylvia Sanchez para sa mga anak na sina Arjo at Ria Atayde na gumagawa na ng sariling pangalan sa showbiz.

Kasabay ito ng sunod-sunod na mga proyekto na natatanggap ng kanyang mga anak sa iba't ibang Kapamilya shows at pelikula.

"Kung nakapasok sila rito at tumayo sila ngayon ay sariling gawa nina Ria at Arjo 'yon. Talent nila 'yon, pagiging professional, pagiging focused nila sa craft nila. Sila ang gumawa noon," ani Sylvia.

Dagdag ng aktres, hindi niya inaasahan na magiging artista ang kanyang mga anak.

"Wala akong pinalaki sa kanila na, 'O Arjo, ikaw mag-aartista ka.' Kasi gusto ko magdesisyon din sila sa sarili nila, para sa sarili nilang mga buhay. So kung naging artista man si Ria at Arjo, hindi ko ginawa 'yun," aniya.

At dahil sabay-sabay sila ngayon na napapanood sa iba't ibang mga palabas, no pressure din para kay Sylvia kung mas sumikat pa ang kanyang mga anak.

"Wala namang pressure kasi siyempre gumagawa na ng sariling pangalan sina Ria At Arjo, so sobra akong natutuwa. Natatakot lang ako every time na sila 'yung pinapanood ko, nanay eh, [naiisip ko], 'ano na naman kaya ang ginawa ng anak ko,'" paliwanag niya.
 
Sa ngayon, isang serye ang kabibilangan ni Sylvia kasama sina Joey Marquez, JM de Guzman, at Arci Muñoz.