Ano ang reaksyon ni Julia sa viral underwear scene ni Gerald sa ‘Init sa Magdamag’?

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 09:28 PM

Kuha mula sa screenshot sa trailer ng "Init sa Magdamag" at Instagram ni Julia Barretto

Hindi nakaligtas ang aktor na si Gerald Anderson sa mga tanong tungkol sa viral trailer ng nalalapit na teleseryeng “Init sa Magdamag” kung saan naghubad ito sa harap ni Yam Concepcion sa isang eksena. 

Sa isang virtual interview na inilabas sa Star Magic YouTube account, natanong si Anderson sa kaniyang reaksyon sa pagsusuot lamang nito ng puting boxer briefs sa viral video para sa palabas. 

Pabirong sagot ng aktor, ikinagulat aniya ito dahil madalas naman umano na ganoon ang kaniyang suot sa bahay. 

“Gulat nga ako nag-trending, ganyan suot ko araw-araw. Dito sa bahay nakaganyan lang ako. Kumbaga parang normal lang sakin, nagulat ako ba't nagustuhan pa ng mga tao yan,” natatawang sagot ni Anderson. 

 


 

Sinundan ng host na si Alora ang pag-uusap sa tanong tungkol sa reaksyon ng kaniyang kasintahan na si Julia Barretto nang makita ang nasabing eksena. 

“Naku, Alora. Ikaw talaga,” nag-aalangang sagot ng aktor.

“Ang masasabi ko lang, napakainit ng comment niya do'n,” maikling sambit ng 32-anyos na isa sa bida sa teleserye. 

Kasama ni Anderson sa panayam ang iba pang cast ng “Init sa Magdamag” na sina JM de Guzman, Albie Casiño, at Nikko Natividad. 

Isa rin sa mga ibinatong tanong sa mga aktor ay kung gaano “kainit” ang estado ng kanilang mga puso ngayon. 

“Baguio,” mabilis na sagot ni De Guzman na ibig sabihin ay malamig. “Zero” naman ang naging sagot ni Casiño sa tanong. 

May nakakatawang hirit naman si Natividad na mayroon nang sariling pamilya. 

“Para na lang siguro sa bata yung pagsasama namin,” birong sagot ng “Hashtag” member. “Masaya naman po ang aming relationship.”

Huling sumagot si Anderson na tinanong muna ang naging reaksyon ni De Guzman bago sinabing 10 (perfect score) ang init ng kaniyang kasalukuyang relasyon. 

“Yung zero ni JM lagyan mo ng 1,” tugon nito. 

Nakatakdang umere sa Abril 19 ang “Init sa Magdamag” sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV, at iflix.

 Related videos:

Watch more in iWantTFC
Watch more in iWantTFC