Matapos mapilay, Ion Perez binilhan ni Vice Ganda ng PS5

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2021 11:08 PM

Screenshot mula sa vlog ni Vice Ganda

Umisip ng paraan si “It’s Showtime” host Vice Ganda upang mabigyan ng pagkakaabalahan ang nobyong si Ion Perez matapos itong mapilay sa kanilang laro ng badminton nitong Holy Week. 

Hindi kagaya ng mga karaniwang vlog na masaya at maingay ang panimula, may halong lungkot ang komedyante sa pagsisimula ng kaniyang panibagong vlog dahil sa pagkaka-sprain ng paa ni Perez.

Dahil dito, naisip ni Vice Ganda na sorpresahin ang kasama rin sa noontime show na boyfriend upang bumalik ang sigla nito. 

“Naawa ako kasi si Ion syempre ang buhay lang naman niya magbisikleta o kaya dun sa gym niya, workout, workout siya. Eh kasi nga di ba nag ECQ, di siya nakakalabas,” kuwento ng host na sinabing matamlay si Perez matapos ang aksidente. 

Dagdag pa ng komedyante, mahirap na kalaban ang pagkabagot sa gitna ng lockdown at nakakulong lamang sa bahay ang mga tao kaya naman sinikap niyang makahanap ng makakapagpasaya kahit papaano sa nobyo. 

“Alam ko nalulungkot siya. Eh di ba ang hirap-hirap lalo ngayong ECQ, kasi ang daming pinapatay ng kabagutan. Mahirap din laban ang boredom,” ani Vice.

Pansamantalang, nakabenda ang paa ni Perez at gumagamit muna ng saklay.

Watch more in iWantTFC

Naisipan ni Vice Ganda na bilhan ng Playstation 5 ang kasintahan na kahit hindi masyadong mahilig dito ay maaaring maging libangan muna ng tinaguriang “Kuya Escort” ng “It’s Showtime.”

Kahit nahirapang bumili dahil sa ECQ at Holy Week, nagawa pa rin ni Vice na maka-order nito dahil aniya, pag malungkot si Perez, nalulungkot din siya.

“Pag mahal mo yung tao di ka papayag na makitang malungkot siya. Di naman magsasabi yan e. Makikita ko, mararamdaman ko pero di yan magsasabi. Di niya aaminin,” pag-amin ng komedyante. 

Nang makita ang sorpresa para sa kaniya, na-excite naman si Perez na gamitin ito at agad-agad na nagpatulong upang i-setup ang bagong magiging libangan.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.