‘Mahal tayo ng Diyos’: Big Brother, may mensahe para sa Easter

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 03:18 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isang mensahe na nagbibigay pag-asa ang ipinaabot ni Kuya o Big Brother ng “Pinoy Big Brother” nitong Abril 12, para sa pagdiriwang ng Linggo ng Pagkabuhay sa gitna ng krisis dala ng coronavirus (COVID-19).

Sa kanyang mensahe, iginiit ni Kuya na hindi dapat makalimutan ng tao na ang Diyos ay laging nandiyan bilang kakampi.

Ito rin ang tamang panahon para ipakita ng mga tao ang malasakit at pagtulong sa isa’t isa. 

“Ngayon na dumadaan tayo sa panahon ng krisis, marahil ay dumapo sa atin ang pangamba at takot dahil sa panganib sa ating buhay at pati na rin sa ating pamilya. Alam natin ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan at pati ng buong sangkatauhan na natatakot dahil sa salot na dulot ng COVID-19 virus. Pero sa araw na ito, huwag nating kalimutan na mayroon tayong isang kakampi na siguradong hindi tayo pababayaan. Ang araw na ito ang Linggo ng Pagkabuhay kung saan dapat nating tandaan na mahal tayo ng Diyos. Ito ang panahon na hindi dapat tayo matakot sa kung ano ang mangyari; kung hindi mapuno tayo ng pag-asa at ipagdiwang natin ang tagumpay ng pagkabuhay ni Hesus,” ani Big Brother.

“Sa araw na ito ipakita natin na kaya nating lagpasan ang kahit anong problema at kaya nating magtulungan na magsama-sama at suportahan ang isa’t isa. Kaya nating tibayan ang ating loob at ipagdiwang ang pagmamahal na ibinigay sa atin ng ating Panginoon. Sa araw na ito, ipagdiwang natin ang ating pananampalataya dahil ito na ang simula sa tunay na pagbabago at paghilom ng ating bansa. Keep safe, God bless at Happy Easter sa inyong lahat,” dagdag ni Kuya.

Ngayong panahon ng krisis, tuloy ang pagpapaalala ni Big Brother sa kung ano ang mga dapat gawin para makaiwas sa banta ng pandemikong sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.