Awra napagtapos ang ama sa kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2019 11:18 PM | Updated as of Apr 14 2019 12:58 AM

Labis ang kasiyahan ng Kapamilya actor na si Awra Briguela nang mapagtapos niya ang kaniyang ama sa kolehiyo.

Sa isang Instagram post nitong Abril 12, ibinahagi ni Awra ang larawan nila ng kaniyang amang si Oneal Bryan na nakasuot ng toga at hawak ang kaniyang diploma. 

“Sabi nga nila, ‘it’s better than late, than never’. Kaming lahat ng anak mo sobrang saludo sa’yo!” mensahe ni Awra sa kaniyang 36-anyos na tatay na nagtapos ng kursong Business Management in Human Resources sa isang kolehiyo sa Las Piñas City.

Kuwento ng nakababatang Briguela, nahinto sa kolehiyo ang kaniyang ama para masuportahan ang pag-aaral nilang magkakapatid. Nang magsimula nang kumita si Awra sa pag-aartista, saka nagdesisyon ang kaniyang amang ipagpatuloy ang pag-aaral noong 2016.

Watch more in iWant or TFC.tv

“’Yong time na naghinto siya sa pag-aaral, ’yon ’yong kailangan niyang magtrabaho para sa’ming mga anak niya. No’ng ako ’yong breadwinner, si Papa ’yong bumalik sa pag-aaral naman kasi sobrang halaga talaga ng pag-aaral para sa kaniya. Gusto niyang ipakita sa’min ’yong importansiya ng pag-aaral,” sabi ni Awra sa programang “OMJ” sa DZMM.

Maraming netizens ang naantig sa kuwento ng tagumpay ng mag-amang Briguela, dahilan para mag-viral ang larawang ibinahagi rin ni Awra sa Facebook. Pinapurihan pa ng komedyante at host na si Ogie Diaz ang batang aktor dahil sa pagsuporta nito sa pangarap ng kaniyang tatay.

“Karaniwan nang kwento na ang magulang ay nakapagpatapos ng anak sa kolehiyo. [G]usto kong batiin si Awra . . . dahil napagtapos niya ang kanyang ama sa kolehiyo. At ipagpatuloy mo ang kabutihan mo bilang isang anak,” ani Diaz.

Kasalukuyang nasa high school na si Awra at nagbigay din siya ng mensahe sa iba kasunod ng pagtatapos ng kaniyang ama.

“Kahit ano’ng taon o kahit matanda ka na puwede ka pa rin namang mag-aral. Iba pa rin talaga kapag nakakuha ka ng diploma galing sa kolehiyo. Sobrang importante talagang may pinag-aralan.”

Unang nakilala si Awra nang mag-viral sa social media ang kaniyang “Awrahan” video. Bunsod nito'y naging bahagi siya ng hit series na “Ang Probinsyano” at sumali rin sa “Your Face Sounds Familiar Kids” kung saan siya nagwagi. 

Naging sunod-sunod ang iba pang projects niya, dahilan para makapagpundar ng ilang ari-arian at mas mapaginhawa ang buhay ng kaniyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.