Angelica Jones at mga kapamilya, nagpositibo sa COVID-19; ina naka-ICU na

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2021 09:50 PM

SAN PABLO, Laguna - Ilang araw nang nakikipaglaban sa COVID-19 si Laguna 3rd District Board Member at dating sexy actress na Angelica Jones Alarva.
 
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Alarva sa telepono, sinabi niyang naka-confine siya sa San Pablo City District Hospital dahil nahihirapan siyang huminga.

Maging ang kaniyang 8-taong gulang na anak na lalaki ay positibo rin sa COVID-19. Umabot pa ng ilang araw bago siya na-admit sa ospital.

Angelica Jones at mga kapamilya, nagpositibo sa COVID-19; ina naka-ICU na 1
Photo courtesy of Angelica Jones Alarva

“Punong-puno na ang kwarto, wala ng bakante, punong-puno ng COVID patients. Hirap na hirap ako huminga… Three days muna kami nag-isolate ng anak ko sa bahay wala pa kami gamot , nagsusukob lang ako ng mainit na tubig. Akala ko talaga katapusan ko na,” kwento ni Alarva.
 
Pero ang labis niyang pinag-aalala ay ang kaniyang 62 -nyos na inang si Beth na unang nagpositibo sa COVID-19.
 
Nasa ICU ang nanay ni Alarva na patuloy na bumababa ang oxygen level.
 
“Panginoong Diyos lang talaga ang makaka-solve para maka-survive kami sa pagsubok na ito.“
 
Ayon kay Alarva, unang nagka-COVID ang kaniyang ina na nakahawa sa kaniyang anak at pati na rin siya.
 
Hinala ni Alarva, ang kanilang taga-linis ng bahay ang nakahawa sa kaniyang ina.

Nag-uuwian kasi ang kanilang taga-linis ng bahay na nakaramdaman din ng panghihina ng katawan at lagnat hanggang sa hindi na nakapasok kinabukasan.
 
Makalipas ang ilang araw, ang nanay na ni Alarva ang nilagnat at inubo hanggang sa magpositibo sa COVID-19.
 
Sa harap ng matinding pagsubok na pinagdaraanan, panalangin ang hiling ni Alarva para malampasan nila ito lalo na ang kaniyang ina.