Awra may bagong pelikula kasama si Coco

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2017 01:24 PM | Updated as of Apr 11 2017 02:32 PM

MANILA -- Isang pelikula kasama si Coco Martin ang nakatakdang gawin ni McNeal "Awra" Briguela, matapos siyang itanghal na grand winner sa kauna-unahang "Your Face Sounds Familiar Kids."

Sa panayam nito sa "Umagang Kay Ganda (UKG)" nitong Martes, sinabi ni Awra na maliban sa bagong pelikula ay patuloy pa rin ang kanyang pagganap sa "Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ni Coco.

"May gagawin kaming pelikula ni Kuya Coco hindi ko po alam kung kailan mag-uumpisa," ani Awra.

Pag-amin ni Awra, hindi pa rin niya makalimutan ang pagkapanalo sa "Your Face Sounds Familiar," lalo't sunod-sunod ang mababang scores na nakukuha niya.

"Sobrang saya 'yung araw na banggitin 'yung pangalan mo," aniya.

Inamin din ng batang aktor ang kaba at pagdududa na hindi siya ang mananalo sa kumpetisyon dahil sa galing ng kanyang mga kalaban.

"Sobra kasi ang mga kalaban ko. Sobrang higpit talaga, parang ayaw talaga nila akong papasukin sa grand finals," dagdag ni Awra.

Samantala, para naman sa mga manonood ng "UKG" ay muling inawit ni Awra ang kanyang winning piece na "Super Bass" na pinasikat ni Nicki Minaj.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.