New ‘Wowowee’ hosts named

by Rachelle Siazon, ABS-CBN.com

Posted at Apr 11 2010 04:05 PM | Updated as of Apr 12 2010 02:34 AM

MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay ipinakita na ang bagong set ng “Wowowee” kahapon, April 10, at talaga namang bongga kaagad ang production numbers ng Wowowee Boys and Girls umpisa pa lamang ng programa.

Kakaiba at may bagong twist din ang ginawang pagkanta ni Willie Revillame ng kanyang hit songs bilang buena mano para sa avid viewers ng kanilang reformatted show.

Pagkatapos nito ay masayang sinabi ni Revillame na walang nabawasan sa kanyang female co-hosts na sina Pokwang, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion at RR Enriquez na nagkaroon pa ng grand entrance para samahan sa stage si Revillame.

“Walang mawawala. Dito nadadagdag ang saya at pag-asa dahil ito po ay programa ng bawat Filipino,” ani Revillame.

At ng mabigyan ng pagkakataon na magsalita ang dati na niyang female co-hosts ay hindi na napigilan ni Rodriguez na sabihin kung gaano kalaki ang pasasalamat niya na parte pa rin siya ng Wowowee.

“Actually, medyo naiiyak ako kanina (sa backstage) noong sinabi mo na [walang mababawasan dito sa show]. Oo, naiiyak ako kasi masayang masaya talaga ako. Nagpapasalamat talaga ako sa management ng ABS-CBN, sa bumubuo ng Wowowee, higit sa lahat dahil sa’yo (Willie) dahil patuloy kaming makakapagbigay ng saya sa bawat Filipino saan mang sulok ng mundo. Thank you so much,” aniya.

Ganon din ang reaksyon ni Pokwang na bigla pang napaiyak sa sobrang tuwa niya na hindi sila pinalitan bilang host ng show.

“Unang una maraming-maraming salamat po sa pamilya ng ABS-CBN sa opportunity na ibinigay ni’yo sa akin lalong lalo na sa pamilya ng Wowowee—Thank you Kuya Willie. Naiiyak kami kanina sa backstage. Thank you so much, thank you po sa tiwalang ibinigay mo tsaka sa management—kina Ma’am Charo (Santos-Concio), Tita Cory (Vidanes), Tita Linggit (Tan). Sa lahat lahat po. Sir Gabby (Lopez), I love you! Salamat sa bumubuo sa Wowowee, sa staff naming na matiyaga.”

Bilang tugon, giniit ni Revillame na karapat-dapat lang naman na sila ay magpatuloy bilang hosts dahil sa ibinigay nilang dedikasyon at loyalty sa kanilang trabaho.

“Alam mo hindi ko kayo pwede pabayaan dahil mahal kayo ng sambayanang Filipino. Kayo ay ipinagkatiwala nila sa akin kaya inaalagaan kayo. Mahirap mag-show ng may nawawala. Nagsasaya tayo pero may umiiyak sa likod ng telebisyon. Hindi maaatim ng konsensya ko, ng staff, ng director, at ng ABS-CBN. Ang importante naman sama-sama tayo, okay?”

Pagkatapos nito ay ipinakilala na rin ang mga bago nilang makakasamang female hosts kabilang ang Malaysian star na si Carmen Soo, Star Magic artist Isabelle Abiera, Jed Montero at model na si Kelly Misa.