Nagbibinata na! TNT Boys, walang takot sa pagbabago ng boses

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 03:52 PM | Updated as of Apr 10 2019 05:34 PM

MANILA -- Walang pangamba sina Francis Concepcion, 12, Mackie Empuerto, 13 at Keifer Sanchez, 14 o mas kilala bilang TNT Boys na harapin ang pagbibinata. 

Sa panayam ngayong Miyerkoles, aminado si Mackie na nagsimula nang magbago ang kanyang boses. 

"Ako po dumaan na po ako sa puberty stage, mahirap po siya pero challenging po at nakaka-enjoy dahil tinutulungan po ako ni Keifer at Francis na ma-reach ko po ang notes na hindi ko po ma-reach. Nagtutulungan naman po kami that's why confident po ako na kumanta," ani Mackie.

Dagdag niya: "Parang 'yung dati ko pong boses ay one pitch higher sa boses ko po ngayon."

Para naman kay Francis, kahit pa ayaw nila ay kailangan nilang tanggapin ang mga pagbabago dala ng kanilang pagbibinata.
 
"Sana po hindi kami dumaan doon. Pero kailangan din po naming tanggapin na magbabago rin po kami," ani Francis.

Ibinahagi rin ng tatlo ang mga bagay na kanilang ginagawa para harapin ang hamon ng pagbibinata.

Anila, may mga itinuturong technique ang kanilang mga voice coach para mapangalagaan ang kanilang boses.

"Nawawalan din po kami ng boses. especially me na nagpu-puberty na po ako. Like 'yung sa 'And I Am Telling You' namin sa 'World's Best.' 'Yung second time naming kumanta, paos ako noon kaya kailangan ko pong mag-isip ng technique na gagamitin ko. Nakahanap ako ng technique na gagawin ko that's why naging maganda ang performance namin," ani Mackie.

"May mga voice coach po kami tinuturuan po kami kung paano ang  technique kung mawawala man ang boses namin. Para dalawa po 'yung gagawin namin kung mawawala man ang boses namin ay may technique kami," dagdag naman ni Francis.
 
Hirit naman ni Keifer: "At kumakanta pa rin kami ng matataas na songs para hindi po kami tamaan ng puberty. Para 'di po siya biglang baba ('yung boses)."

Sa ngayon ay naghahanda ang TNT Boys sa kanilang "Listen The World Tour" na magaganap ngayong buwan ng Abril.

Sa Abril 23 ay magtutungo ang TNT Boys sa Chabot College sa Hayward, California, samantalang sa Abril 25 naman ay magtatanghal sila The Theatre at Ace Hotel.

Magaganap naman ang concert nila sa Edmonton Expo Centre Alberta, Canada sa Abril 27. 

Ayon sa grupo, isang pangarap na natupad ang magtanghal sa iba't ibang panig ng mundo.

"Pinagarap po talaga namin na gusto naming kumanta sa ibang bansa. Nagpapasalamat po kami kay God kasi tinupad po Niya ang gusto namin," ani Francis.

"Unexpected po ito na mangyayari ang lahat ng ito. Ito 'yung pinagarap namin na magka-concert kami sa ibang bansa," dagdag naman ni Keifer.

Maliban sa kanilang mga pagtatanghal sa labas ng bansa, isang bagong single rin ang alay ng TNT Boys sa kanilang mga tagahanga.

Ayon sa grupo, malapit na nilang ilabas ang kanilang single na may pamagat na "Together We Fly."
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.