PBB’s Johan Santos admits Cathy Remperas is special

by Bernie Franco, ABS-CBN.com

Posted at Apr 05 2010 07:01 PM | Updated as of Apr 06 2010 03:01 AM

MANILA, Philippines - Itatampok ang isa sa mga umingay na love team na binubuo ng ex-Pinoy Big Brother housemates na sina Johan Santos at Cathy Remperas sa “Precious Hearts Romances Presents: Love Me Again.”

Matatandaang sa loob ng PBB house ay sinubaybayan kung mabubuo ang pagtatangi ni Johan kay Cathy subalit mas naging malapit ang dalaga kay Hermes Bautista.

Sa “The Buzz” noong Linggo, sa panayam kina Johan at Cathy ay mapapansing medyo maingat ang dalawa sa mga tanong hinggil sa estado ng kanilang relasyon pero sinabi ni Johan na sa loob ng bahay ay talagang gustong gusto niya si Cathy.

“Sa PBB gusto ko talaga siya, hanggang ngayon,” pag-amin ni Johan. “Special naman sa akin itong si Cathy. One of the favorites. Kumbaga siya ‘yong flavor on top.”

Tila nahihiya naman si Cathy sa pagkukuwento pero sinang-ayunan niya ang tinuran ng binata na sinabing they are enjoying each other’s company.

“Very sweet and a gentleman,” nang ilarawan ni Cathy si Johan.

Kinumpirma rin ni Johan na madalas silang mag-textan ni Cathy at kung may importanteng pag-uusapan nagtatawagan din naman. Aniya pa, hindi siya ang tipong mahilig magregalo subalit nagbibigay naman daw siya ng effort para kay Cathy.

“Hindi po ako ganoon nakakapagdala ng food para sa kanya pero ‘pag may something na may kailangan siya like gusto n’ya ng water sa tapings, binibigyan ko siya, sa taping day pinagsisilbihan, minsan PA (personal assistant) na nga po niya ako,” pagbibiro pa ni Johan.

Kasama rin sa teleserye sina Valerie Concepcion at Tom Mott.