PatrolPH

Liza umatras sa 'Darna' dahil sa tinamong injury

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 08:20 PM

Watch more on iWantTFC

Umatras na si Liza Soberano sa pagbida sa pelikulang "Darna" matapos madurog ang bahagi ng buto sa kaniyang hintuturo.

"I have decided to withdraw from the project of Darna," sabi ni Soberano sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon pa kay Soberano, 2 beses nang inoperahan ang kaniyang daliri, na tinamaan ng espada sa pag-shoot ng isang eksena sa seryeng "Bagani."

"I fractured my right index finger, as in nadurog po 'yong buto, the top part, the bottom, also my joint. Hindi ko po siya nagagalaw," ani Soberano.

"I had surgeries twice na po, so we've been trying to fix it," aniya. "I couldn't do my stunt trainings because we had to take care of the finger."

Mayo 2017 nang tanggapin ni Soberano ang papel bilang Darna, kapalit ni Angel Locsin.

Agad siyang sumabak sa training kasabay ng action-packed na seryeng "Bagani."

Bukod sa therapy session, nilagyan din ng steel plates ang daliri ni Soberano para masuportahan sa paghilom ang nadurog na bahagi ng buto.

Masakit at mahirap para kay Soberano ang personal niyang desisyon na umatras sa proyekto.

"I really wanted to do Darna, I invested so much time, so much effort physically, I felt like I was ready before the incident but I don't want the project to suffer just because I don't feel like I could give Darna the justice she deserves," aniya.

Labis din ang paghingi ng tawad ni Soberano sa pag-atras sa proyekto.

Sa opisyal na pahayag ng ABS-CBN at Star Cinema, malungkot nilang tinatanggap at nirerespeto ang desisyon ni Soberano sa pag-withdraw sa pelikula.

Nauunawaan umano nilang mas makabubuti kay Soberano na hindi ituloy ang proyekto dahil makakasagabal ang kaniyang injury sa mga stunt sa pelikula.

Sa kabila nito, ipagpapatuloy umano ng ABS-CBN at Star Cinema ang "Darna" at sinimulan na ang pagpili sa bagong aktres na magbibigay buhay sa Pinay superhero.

--Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.