Mandarin version ng 'Anak,' aawitin ni KZ sa 'Singer 2018'

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 08:17 PM

Hindi pa tapos ang laban ng mang-aawit na si KZ Tandingan sa Chinese singing competition na "Singer 2018."

Nitong Lunes, inanunsiyo ng opisyal na Facebook page ni Tandingan na magbabalik siya sa "Singer 2018" para sa "Breakout" round.

 

Ayon sa post, itatanghal ni Tandingan ang Mandarin version ng awiting "Anak" ni Freddie Aguilar.

Dati nang ipinahayag ni Tandingan ang pagnanais na awitin ang "Anak" sa naturang timpalak.

Kasama ni Tandingan na magtatanghal sa "Breakout" round ang iba pang mga na-eliminate na kalahok. Maaring mabigyan ng pagkakataong bumalik sa timpalak ang mga magwawagi sa "Breakout" round pero hindi pa malinaw kung paano ito pagpapasiyahan.

Na-eliminate si Tandingan mula sa "Singer 2018" noong Marso 16, matapos awitin ang kaniyang bersyon ng "Royals" ng New Zealand singer na si Lorde. 

Lumabas muli noong Marso 23 si Tandingan sa "Singer 2018," kung saan inawit niya ang Mandarin version ng "See You Again" nina Wiz Khalifa at Charlie Puth mula sa pelikulang "Furious 7."

Unang lumabas si Tandingan sa programa noong Pebrero 9, kung saan nanguna ito sa rankings sa kaniyang pag-awit ng "Rolling in the Deep" ni Adele.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.