P20-M, ilalaan ng FDCP para sa mga 'no work, no pay' showbiz workers na apektado ng COVID-19

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 12:35 AM

MANILA -- Naglaan ng paunang P20 million na pantawid-buhay ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa libo-libong manggagawa sa showbiz industry na nawalan ng trabaho sa panahon ng coronavirus (COVID-19) pandemic. 

Sinimulan ng FDCP ngayong linggo ang pagproseso ng mga aplikasyon ng daan-daang natenggang showbiz workers sa ilalim ng Disaster, Emergency Assistance and Relief, o DEAR project, ng ahensya. 

Ayon sa pinuno ng FDCP na si Liza Diño, mamamahagi sila ng P8,000 kada manggagawa na nawalan ng trabaho sa TV, pelikula, animation at iba pang media sa showbiz industry sa panahon ng quarantine. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Liza Diño-Seguerra (@lizadino) on

Humigit kumulang na 2,500 workers ang initial beneficiaries. 

"The DEAR Program is FDCP's own quick response program," saad ni Diño. "It's a disaster fund that was approved days after in-announce ang enhanced community quarantine in anticipation of our freelance workers who will be affected by this crisis."

Sakop ng tulong ang maraming manggagawa na freelancer o no work, no pay at ang mga hindi regular employees na may pabenepisyo sa kanilang kumpanya sa panahon ng krisis. 

"Our council was quick to approve a fund that will give financial assistance to our freelance workers. Because alam ninyo naman, 70% of our workers are right now, classified as 'freelancer' --no work, no pay. Per day or per project basis," ani Diño. 

"We have received a little over 1,000 inquiries already the last Wednesday plus the database of workers --around 900 workers-- that was shared by the Lockdown Cinema Movement, who also organized a fundraising program to support our workers." 

Dagdag niya: "Presently we are processing these applications and reached almost 500 approved beneficiaries already. 468 to be exact and still continuing to process." 

Umaasa din si Rez Cortes, na incoming president ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) na makakakuha din ng ayuda ang daan-daan nilang mga miyembro sa FDCP. 

Sana din daw ay matulungan sila sa required na online application sa DEAR dahil marami pa rin ang walang access sa Internet. 

Hindi man kalakihan ang P8,000, good news ito sa mga taga-showbiz na biglang naging nganga sa kanselasyon ng maraming proyekto. 

Pina-prioritize ng tulong ang low-income workers na kumikita lang ng P20,000 sa isang short-term project.
 
Umaapela si Diño na dagdagan pa ng national government ang kanilang pondo para matulungan ang humigit kumulang na 50,000 showbiz at showbiz-related workers. 

Sinimulan na rin ng iba pang grupo ang fundraising para sa kanilang hanay.

Sinuportahan din ni Lea Salonga ang fund drive para sa maraming mga theater workers na nawalan ng kita sa panahon ng lockdown. 

Benefit campaign nila ang all-star singing ng classic OPM hit na "Umagang Kay Ganda" na sana daw ay makahatak ng donasyon sa bangko. 

Daan-daang stage workers na hindi sakop ng proteksyon ng labor laws ang nawalan ng kita sa panahong ito dahil sa kanselasyon ng maraming live shows, stage plays, film festival at mga TV show. 

Sana rin daw masakop sila ng Emergency Subsidy Program ng DSWD at iba pang private charities. 

Masakit mang aminin, ayon sa mga pinuno ng industriya, isang kahig isang tuka ang maraming manggagawa sa sining at aliwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.