‘Big Brother’ may mensahe sa ‘Team Bahay’

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 12:09 PM | Updated as of Apr 01 2020 12:25 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA —“Alam niyo na ang pakiramdam na maging housemates ko.”

Ito ang mga unang salita ni Kuya o ni Big Brother ng “Pinoy Big Brother” sa “Magandang Buhay” nitong Miyerkoles.

Matapos magpasalamat sa mga host na sina Melai Cantiveros, Karla Estrada at Jolina Magdangal dahil sa kanilang pagpupursige para makapagbigay ng kasiyahan at impormasyon sa gitna ng krisis ng coronavirus (COVID-19), isang paalaala ang ibinigay ni Big Brother sa mga manonood na tinawag niyang Team Bahay.

“Tama ang ginagawa ninyo, sumunod sa batas. Manatili sa loob ng inyong bahay, para sa kaligtasan niyo at ng buong pamilya. Samantalahin ang pagkakataong ito para mas maging malapit tayo sa isa’t isa at mas mapagtibay ang ating pagmamahalan,” ani Big Brother.

“Kapit lang dahil kapag sama-sama tayong nagtutulungan at nananalangin sa Taas, malalampasan din natin itong lahat sa takdang panahon,” dagdag ni Big Brother.

Mula nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa COVID-19, naihalintulad ng mga naka-quarantine ngayon ang sitwasyon sa mga nagaganap sa loob ng Bahay ni Kuya.

Nauusong status ngayon sa social media ang “ganito pala ang feeling sa loob ng bahay ni Kuya.”

Inimbatahan naman ni Melai, ang “PBB: Double Up” grand winner, na makisali ang mga manonood o ang mga nasa bahay sa “Pinoy Big Brother: Stay at Home Edition.”

“Magbibigay si Kuya ng daily tasks na gagawin para gumaan at sumaya tayo ngayong panahon na mabigat ang ating pakiramdam. Ginawa ito ni Big Brother para maramdaman niyo na hindi kayo nag-iisa sa inyong bahay. Dito sa Online Bahay ni Kuya ay sama-sama tayo, dahil kapag nanatili tayo sa bahay ni kuya ay mapipigilan natin ang COVID-19. Ang magiging big winner ay ang taumbayan. For more details, just visit the offical Facebook page of Pinoy Big Brother,” ani Melai.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.