Regine Velasquez, vocal ensemble sanib-puwersa sa pagkanta sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2020 02:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada ang bagong bihis ng Sunday noontime concert show na "ASAP" sa pamamagitan ng isang performance tampok sina Regine Velasquez at ang isang singing group.

Sa halip na studio setup, tampok na ngayon sa "ASAP Natin 'To" ang mga pagtatanghal na nirekord ng mga Kapamilya singer mula mismo sa kanilang mga bahay.

Ito ay matapos suspendehin ng ABS-CBN ang mga live entertainment show alinsunod sa enhanced community quarantine, na ipinatupad ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ang pinakaunang performance na ipinalabas ay ang pagkanta ni Velasquez ng "Heal Our Land" ni Jamie Rivera kasama ang Villancico Vocal Ensemble, na binubuo ng alumni ng University of the Philippines-Diliman College of Music.

Nahanap ng "ASAP" ang Villancico Vocal Ensemble sa pamamagitan ng isang video sa social media.

Sa video, pinagsama-sama ang mga solo video na nirekord ng mga miyembro mula sa kanilang mga bahay para makabuo ng isang performance.

Alay raw ito ng grupo para sa isa nilang miyembro na namatayan ng ama kamakailan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.