Dagul nag-leave sa Goin' Bulilit para tumakbong konsehal

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 05:50 PM | Updated as of Mar 29 2019 08:29 PM

Si Dagul ay isang independent candidate at isa sa higit 40 kandidato bilang konsehal sa Rodriguez, Rizal. Screengrab

Sa pag-arangkada ng kampanya sa mga lokal na posisyon sa halalan nitong Biyernes ay nagliban na rin ang mga artistang kakandidato dito.

Mas malaking sorpresa ang pagkandidato ng komedyanteng si Romy Pastrana o mas tanyag sa screen name na Dagul.

Si Dagul ay isang independent candidate at isa sa higit 40 kandidato bilang konsehal sa Rodriguez, Rizal.

Maaga niyang binisita nitong Biyernes ang tambayan ng kaniyang mga kababayan.

"Kung palarin ako manalo gusto ko komite sa health at livelihood ang hawakan ko para sa makatulong sa mga senior citizen at persons with disability," sabi ng komedyante.

Nanindigan din siya na hindi balakid ang kaniyang anyo sa public service.

Dahil sa Commission on Elections (Comelec) guidelines, nauna nang nag-leave si Dagul sa Goin' Bulilit kung saan siya isang regular na cast.

Watch more in iWantTFC

KAPAMILYA STAR SA HALALAN

Pati iba pang Kapamilya stars ay pansamantala na ring nagpaalam sa kanilang mga tungkulin sa showbiz para mangampanya at makaiwas sa parusa ng Comelec.

Nagpaalam na sa It's Showtime si Makati councilor at re-electionist na si Jhong Hilario, na babangga sa higit 30 na kandidatong konsehal sa lungsod.

Napatay na din siya sa masaker ng mga karakter sa primetime soap na Ang Probinsyano.

Pinakamaugong naman ang paglisan ng karakter sa serye na si Presidente Lucas na ginampanan ni Edu Manzano.

Nagbiro pa si Manzano, na tatakbo sa pagkakongresista ng San Juan, sa paraan ng pagpaslang sa kaniyang karakter.

"Masama talaga loob ko kasi sabi nila daplis lang, tapos niratrat ako ni Cardo," ani Manzano.

Sa Mayo 13 nakatakda ang midterm elections.

—Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.