Iza Calzado bumubuti ang kalagayan kasabay ng COVID-19 diagnosis

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2020 06:38 PM | Updated as of Mar 29 2020 12:06 AM

MAYNILA - Nagpositibo sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang aktres na si Iza Calzado, ilang araw matapos sabihin naospital siya sa sakit na pulmonya.

Sa isang Facebook post, sinabi ng kaniyang manager na si Noel Ferrer na natanggap niya ang resulta ng kaniyang test noong Biyernes.

"Iza Calzado received her results yesterday that she tested positive for CoVid. She is recovering well as she was aggressively treated for pneumonia and the virus," ani Ferrer.

"Recovering" na ang aktres mula sa pneumonia at virus, ayon sa manager.

Nakakahinga naman aniya raw ito nang maayos.

Sinabi ni Calzado noong Miyerkoles na sasailalim siya sa COVID-19 test matapos maospital dahil sa pulmonya.

Hirap din umano itong makahinga noon at nakasalalay sa oxygen tank para maalalay ang kaniyang paghihinga.

Si Calzado ang ika-2 local showbiz celebrity na tinamaan ng nasabing sakit matapos si Christopher De Leon, na na-discharge na noong Martes.

Muling ipapasuri si Calzado para matingnan kung magnenegatibo na ito sa virus.

Isasailalim din sa testing ang mga nakasalamuha ng aktres, kabilang na ang asawang si Ben Wintle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.