Nagbunga ng mga haka-haka sa mga tagahanga ang pag-unfollow sa social media kamakailan ni Bea Alonzo sa karelasyong si Gerald Anderson at sa katambal nito sa pelikulang "My Perfect You" na si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Pero ayon sa Star Magic, ayaw pang magbigay ni Alonzo ng pahayag hinggil sa isyu, lalo at abala siya sa pag-shoot ng mga pelikula niya kasama sina Paulo Avelino at Charo Santos-Concio.
Napag-alaman noong nakaraang linggo na nag-unfollow o hindi na sinusundan ni Alonzo sina Anderson at Wurtzbach sa Instagram. Dagdag pa rito, inalis na rin ni Alonzo ang promotional poster ng "My Perfect You" na ipinost niya sa kaniyang account.
Bago mag-unfollow, natuwa pa si Alonzo sa pag-spoof sa kaniya ni Wurtzbach sa "My Perfect You."
Tumanggi rin naman ang kampo ni Wurtzbach na patulan ang isyu, lalo at maayos ang relasyon ng 28 anyos na beauty queen sa nobyong si Marlon Stockinger.
"They are okay, Marlon is okay," sabi ng kaibigan ni Wurtzbach na si RS Francisco.
Kasalukuyang abala si Wurtzbach sa pag-promote ng pelikula nila ni Anderson na "My Perfect You," na nasa ikalawang linggo na ng pagpapalabas.
Nagpapasalamat naman si Wurtzbach sa malugod na pagtanggap sa pelikula.
"Hindi lang talaga siya movie na pang-kilig ng couples, pang-pamilya [rin] siya," aniya.
Noong weekend ay nagdaos ng block screening si Wurtzbach ng "My Perfect You" kasama ang kaniyang mga tagahanga.
STEADY
Sa gitna naman ng pag-guest ni Anderson sa isang singing contest ng DZMM sa Athens, Greece noong weekend, walang pag-aalinlangang sumagot ang 29 anyos na aktor hinggil sa estado ng kaniyang buhay pag-ibig.
"Ayos naman, steady naman," sabi ni Anderson.
Ikinatuwa rin ni Anderson na maaaring mapanood sa Greece ang "My Perfect You" sa pamamagitan ng pay-per-view.
Dagdag pa ni Anderson, bukas siyang muling makatrabaho si Wurtzbach.
"Basta bagay 'yung sa aming dalawa, kasi 'yung characters namin doon, lalo na kay Pia as Abi, sobrang swak sa kanya. Kumbaga wala kang maisip na tao kundi siya. Kaya maganda 'yung storya," ani Anderson.
Unang iniugnay sina Anderson at Alonzo noong 2010 pero kalaunan ay naghiwalay rin.
Makalipas ang anim na taon ay nagsimula uling mag-date ang dalawa matapos magtambal sa pelikulang "How To Be Yours."
-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Gerald Anderson, Pia Wurtzbach, Bea Alonzo, My Perfect You, Instagram, TV Patrol, Mario Dumaual