Menggie Cobarrubias at doktor na kapatid ni Ruby Rodriguez, pumanaw na

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 02:22 PM | Updated as of Mar 26 2020 04:12 PM

MAYNILA — Sumakabilang buhay ang character actor na si Menggie kaninang 8:20 ng umaga, Marso 26. Sa kumpirmasyon ng asawa niyang si Gina Jorge Cobarrubias sa Facebook, ibinunyag niyang pneumonia complications ang ikinamatay ng 66 taong gulang na aktor. 

Inaantay pa ang official result ng COVID-19 test ni Cobarrubias. 

Yumao ang aktor kasunod ng halos apat na araw niyang pagpapagamot sa ospital kung saan nabanggit niya sa kaibigang direktor na si Arman Reyes na siya ay PUI o person under investigation nung Marso 22. 

Si Menggie ay ang 1980 Urian best supporting actor para sa pelikulang “Jaguar” ni Lino Brocka. Kinilala rin ang husay ni Cobarrubias bilang aktor sa marami pang pelikula nina Brocka, Behn Cervantes at Joel Lamangan. 

Kabilang sa mga huli niyang palabas ang teleseryeng “Make It With You” at “The Killer Bride,” at mga pelikulang “Just A Stranger,” “Eerie,” “Signal Rock” at “Mauban.”

Ayon sa dating presidente ng Actors Guild at incoming president ng Mowelfund na si Rez Cortes, malaking kawalan si Menggie. 

“It is with deep sadness that we bid farewell to a friend and colleague in our industry who lost the battle. Goodbye Menggie Cobarrubias. Till we meet again,” ani Rez. 

Samantala, nagpasalamat naman si Ruby Rodriguez sa lahat ng dumamay sa kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanyang ate na si Dra. Sally Gatchalian pagkatapos ng laban sa COVID-19. 

Malungkot man, tanggap na ni Ruby na ‘di niya makikita ang labi ng kapatid dahil sa mahigpit na patakaran sa paglibing sa COVID-19 victims. 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Ruby Rodriguez (@rodriguezruby) on

Sa kanyang text message, kailangan daw sundin nila ang mga protocol ng gobyerno. 

“As per DOH cremation, from hospital, pick up body straight cremate then deliver to family. No one is allowed to open body bag. No family allowed sa cremation,” ani Ruby. 

Dagdag din ng host-actress sa kanyang text, sa kanya nakatoka simula ngayong gabi o bukas ang final arrangements sa kapatid dahil naka-quarantine ang pamilya ni Gatchalian. 

“Cremation team onsite na, waiting for the body maybe 5-6 p.m., I dont know really. Husband in quarantine same hospital 'coz siya nagbantay. Her son, my nephew, in another house, so I have to fix everything,” dagdag ni Ruby.

Pinapurihan ng medical community at iba pang sektor ang sakripisyo at kabayanihan ni Gatchalian sa laban sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.