Karla, Melai at Jolina, balik na sa 'Magandang Buhay'

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 01:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Muling nagbalik sa telebisyon ang “Magandang Buhay” at ang mga host nito na sina Melai Cantiveros, Jolina Magdangal at Karla Estrada, higit isang linggo matapos isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa pandemikong sakit na coronavirus (COVID-19).

Nitong Huwebes, mula sa kani-kanilang tahanan ay nagsama-sama muli sa pang-umagang programa ng Kapamilya network ang tatlo kung saan ibinahagi nila ang mga pangyayari sa kanilang bahay habang naka-lockdown kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

“Dito sa enhanced community quarantine na-enhance ko na ang pagiging nanay ko, ang pagiging wifey ko at ang pagiging anak ko kasi nandito si mama sa bahay. Ang nagawa namin rito ang mga bata tinuturuan ko ng house chores. Dito sa bahay mini-make sure namin na bonded kami sa isa’t isa at hindi namin nakakalimutan ang prayer, always nagro-rosary kami,” ani Melai.

Para naman kay Karla, ang pagsiguro sa kalinisan ang pinagkakaabahalahan niya at ng kanyang pamilya.

“Ang dami namin dito sa bahay. Eto medyo hands-on (ako) mayroon akong enhancing na nagawa. Ito ‘yung pagtuturo. Kasi mahilig akong maglinis ng bahay dahil trained ako ng nanay ko. So dito sa bahay since ang daming tao, isa-isa binigyan ko talaga ng chores. Pero alam niyo hanggang sa labas ng bahay talagang malinis dapat, kasi ipinapasok ‘yan. Of course ngayon sumusunod tayo sa isa lang ang puwedeng lumabas at mamalengke, bumili ng something ng important ‘di ba? So dito isa, siya lang talaga. Isang tao lang ang naka-designate sa bahay namin. Isang tao lang ang lalabas lagi, siya lang, walang ibang lalabas. At kung kailangan may lalabas, kailangan magsasabi sila sa akin para monitored ko kung sino ang lumabas. Ikaw na talaga ang gagawa noon. Kailangan nating maging vigilant sa sitwasyon na mayroon tayo,” ani Karla.

Ang pagkakaroon naman ng quality time at pag-iingat sa kalusugan ang pinagtutunan ng pansin ni Jolina.

“Iba rin ‘yung quality time na nangyayari ngayon dahil sama-sama kami sa bahay. Alam mo sa totoo lang minsan pala dapat. mayroon tayong ganito (‘yung manatili sa bahay) kasi hindi lang sarili natin ang nakikilala natin pati ang tahanan natin kung saan pa natin puwede gawin ‘yung quality time, kung saang parte ng bahay. At saka isa pa ang nangyayari sa amin, nire-remind namin (ang mga anak) na mag-iingat kasi mahirap kapag may nangyari sa kanila ay dadalhin pa sa ospital. Siyempre kulang na ang mga tao roon. Tapos makakadagdag pa sila sa puwedeng asikasuhin na puwede sanang maiwasan. I-remind natin ang mga anak na huwag maglikot masyado, puwede mag-enjoy pero mag-iingat din,” ani Jolina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.