‘PBB’: Teen housemates bigo sa larong Pinoy na tatsing

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2022 11:33 PM

Mula sa Kapamilya Online Live
Mula sa Kapamilya Online Live

Hindi nakakuha ng karagdagang tsansa para magkamali sa weekly task ang mga teen housemates matapos mabigo sa hamon ni Big Brother. 

Sa episode ng "Pinoy Big Brother" nitong Huwebes, sumabak ang mga housemates sa larong Pinoy na tatsing kung saan kailangan nilang mapalabas ang mga puting tsinelas sa loob ng isang box.

Ang pagsubok ay ibinigay upang magkaroon ng insentibo ang teens sa kanilang basketball choreography task. Tatlong beses lamang maaaring magkamali ang mga ito sa kanilang sayaw. 

Sa nasabing laro na sumikat noong 1990s, may 30 tsinelas sa loob ng box ang pwedeng matamaan ng anim na housemates. 

20 rito ang puting tsinelas na may katumbas na 1 punto kada isa habang mababawasan sila ng iskor kung ang itim na tsinelas ang mapapalabas.

Mayroon ding makakatapat ang mga ito na kailangan nilang talunin para sa reward ngunit sa huli nabigo ang mga ito.

Mabilis na nakapuntos ang mga kalaban ng housemates hanggang sa nakatama rin si Luke Alford. Ngunit nahirapan pa rin ang mga ito at tuluyang matigil sa -1 na iskor habang nasa 8 na ang katunggali. 

Sa huli, 10-0 ang naging final score ng laban. 

Lalong nagkaproblema ang mga ito sa weekly task nang malamang mali ang intindi ng leaders na sina Ashton Salvador at Gabb Skribikin. 

Akala ng dalawa, anim na kasamahan lamang ang gagawa ng mga special basketball tricks. Ngunit nilinaw ni Kuya na lahat ay kailangan gumawa.

Kaunting oras na lamang ang nalalabi sa mga housemate para mag-ensayo. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.