'Pantawid ng Pag-ibig' nakalikom nang halos P237 milyon kasabay ng digital concert

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 03:46 PM | Updated as of Mar 23 2020 08:44 PM

Kabilang sa mga nagtanghal sa digital concert sina Vice Ganda, Regine Velasquez, at Jericho Rosales. ABS-CBN

MAYNILA — Nakalikom nang halos P237 milyon ang "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN noong gabi ng Linggo kasabay ng pagtatanghal ng maraming Kapamilya stars sa isang digital fund-raising concert.

Inanunsiyo sa digital concert na "At Home Together" na umabot na sa P236,997,391 ang nalikom ng "Pantawid ng Pag-ibig," ang kampanya ng ABS-CBN na layong makatulong sa mga pamahalaang lokal na mabigyan ng basic food at necessities ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan bunsod ng Luzon lockdown. 

Isa rin ang naturang concert sa mga naging daan para manawagan ang network at mga bituin nito sa publiko na mag-donate sa proyekto.

Kabilang sa mga umawit ang mga beterano gaya nina Martin Nievera, Gary Valenciano, Ogie at Regine Velasquez-Alcasid, Sharon Cuneta, at ZsaZsa Padilla.

Ikinatuwa naman ng marami ang kauna-unahang duet bilang mag-asawa nina Matteo at Sarah Geronimo-Guidicelli.

Umawit din ang mga kapuwa "The Voice" coach na Sarah na sina Lea Salonga, Bamboo, at Apl.de.ap.

May song number ang mga birit queen na sina Morissette Amon, Klarisse de Guzman, Angeline Quinto, at Jona.

Nagpakilig naman ang heartthrobs gaya nina Jericho Rosales, Sam Milby, Paulo Avelino, Xian Lim, JM de Guzman, at Carlo Aquino.

Marami rin ang natuwa sa panayam sa ilang Kapamilya stars na naghatid ng mga nakaka-inspire na mensahe, gaya ng cast ng "Kadenang Ginto," "Love Thy Woman," at "Ang Probinsyano."

Tampok din sa programa ang love teams gaya nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Maymay Entrata at Edward Barber, at Liza Soberano at Enrique Gil.

Naaliw rin ang mga manonood sa pagkakatampok sa mga artista at sikat na vloggers na sina Alex Gonzaga at Ivana Alawi.

Ibinahagi naman ni "It's Showtime" host Vice Ganda ang kaniyang bagong kantang "Corona Bye Bye Na," na may kasama pang dance steps.

Sa huli, inawit ng Kapamilya stars ang "Heal the World" ni Michael Jackson. —Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.