Kathryn at Daniel, nanawagan ng pagkakaisa laban sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2020 03:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nakiisa ang tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa ginanap na “Pantawid ng Pag-Ibig At Home Together Concert” nitong Linggo ng gabi para sa mga Pilipino na hindi makapaghanapbuhay dahil sa banta ng coronavirus (COVID-19).

Sa kanilang mensahe, nanawaganan ang dalawa na magkaisa ang lahat para malabanan ang pandemikong sakit at matulungan ang mga nangangailangan.

“Lahat nang nangyayari ngayon, hindi natin ito in-expect lahat. Lahat tayo nahihirapan. May iba-iba tayong pinagdadaanan, hindi natin kasama 'yung ibang mga mahal natin sa buhay. Pero hinihingi po namin 'yung tulong ng lahat. Kung mayroon kayong extra, may fundraising na ginagawa ang ABS-CBN para mabigyan natin ng kaunting tulong 'yung mga kapamilya natin na nangangailangan. Salamat din sa mga fans. Nakaka-proud na sila mismo ang nagkukusa para tumulong. Sana maging mas magandang way ito para mas marami tayong matulungan na mga kapamilya natin,” ani Kathryn.

Dagdag ni Daniel: “Ngayon ay nandito tayo sa panahon na kailangan natin magkaisa, panahon na kailangan na naman natin magtulungan. Nandito po kami, kumakatok po kami sa mga puso niyo, lalo na 'yung may mga sobra. Siguro ay puwede tayo magbigay ng tulong sa mga napakaraming nangangailangan. Ito pong ginagawa natin ngayong gabi, sana ay makatulong ito sa napakaraming tao.”

Matapos ang ginanap na benefit concert, nakalikom ang ABS-CBN ng halagang P236,997,391.

Matatandaang sinimulan ang kampanyang "Pantawid ng Pag-ibig" ng ABS-CBN noong Marso 20 para matulungan ang mga lokal na pamahalaan na makapagbigay ng pagkain at pangunahing pangangailangan para sa mga mahihirap na kababayan na hindi makapaghanapbuhay dahil na rin sa “enhanced community quarantine” sanhi ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.