PatrolPH

PANOORIN: Maricel Soriano, nagpahayag ng suporta kay Leni Robredo

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2022 12:16 PM

MAYNILA -- Nagpahayag na ng kanyang suporta ang batikang aktres na si Maricel Soriano kay Bise Presidente Leni Robredo na tumatakbo bilang pangulo sa darating na halalan sa Mayo.

Sa social media nitong Lunes, ibinahagi ni Soriano ang isang video kung saan kita ang pagpapalipad niya ng kulay pink na mga lobo sa labas ng simbahan sa Quiapo, Maynila.

"Sa gobyernong tapat, gaganda ang lahat," ani Soriano sa kanyang post sa Instagram gamit ang mga hashtag na #BatangQuiapoForLeni at #MaryaForLeni.

Sa comment section ng post ni Soriano, nag-iwan naman ng mensahe para sa batikang aktres si Angel Locsin. 

Matatandaang nagkatrabaho sina Soriano at Locsin sa Kapamilya serye na "The General's Daughter" noong 2019.

"Lodi ka talaga, nay!," ani Locsin na kilala rin bilang tagasuporta ni Robredo at ka-tandem nito na si Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, na tumatakbo bilang bise presidente.

Nito lamang Linggo, ilan sa mga bigating bituin sa showbiz kagaya ni Locsin ang nagpakita ng suporta para kay Robrero at Pangilinan sa campaign rally nila sa Pasig.

Si Soriano ay isa sa kinikilalang haligi ng industriya ng showbiz. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.