PatrolPH

Parokya ni Edgar, Zack Tabudlo, Agsunta, itinangging pupunta sa ‘UniTeam’ campaign rally

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2022 02:44 PM | Updated as of Mar 18 2022 05:22 PM

(UPDATE 2) Mariing itinanggi ng Parokya ni Edgar, Kamikazee, Agsunta, at mang-aawit na si Zack Tabudlo na magtatanghal sila para sa isang campaign rally ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kani-kaniyang Facebook page nitong Biyernes, pinabulaanan ng mga ito ang isang anunsyo na kabilang sila mga dadalo sa April 10 campaign sortie ng “UniTeam” nina Marcos at Sara Duterte-Carpio. 

"This is not true," mabilis na tugon ng Parokya ni Edgar. 

Nasa Dubai ngayon ang grupo at nakatakdang magtatanghal sa Expo 2020 Dubai. Ito ang bagay na kinumpirma ng bokalista ng grupo na si Chito Miranda sa Instagram.

 


 


 


 

 

Matapang din ang naging reaksyon ng drummer ng Kamikazee sa maling impormasyon na kumakalat. 

“Never ako nagsalita against sa mga nagkakampanya for presidency. Kahit na obvious na kung gaano kadumi or hindi qualified ang kandidato,” ani Allan Burdeos sa kaniyang Facebook page.

“Pero kung pangalan na namin ang involved, pangalan namin na mahigit 20 years namin na pinaghirapan ang gagamitin ng walang permiso, ibang usapan na ’to.”

Hirit pa nito, sinungaling umano ang nagpapakalat ng balita at hindi sila nagpapabayad. 

“NEVER kami magpa-participate sa kampanya na ito. MGA SINUNGALING. Gusto ko lang tahimik at hindi ma-involve sa mga ganitong bagay, kaso kailangan namin gawan to ng aksyon. We are not for sale,” sambit pa ni Burdeos.

Samantala, itinanggi rin ng bandang Agsunta na sasama sila sa palatuntunan.

“Wala po kami dito, nasa bahay lang kami ng araw na yan,” saad ng grupo.

Hindi naman umano mangyayari kahit kailan na sasama ang bandang IV of Spades sa “UniTeam,” ayon sa miyembro nitong si Blaster Silonga. 

“Kailanman hindi mangyayari ito, ngayon palang sinusunog ko na ang tulay,” pahayag nito.

Dinaan naman sa biro ni Tabudlo ang pagtawag sa anunsyo na “fake news.” 

“Awit peyk news na nga lang di pa magandang picture ginamit sakin,” hirit ng singer.

“Fake news” din ang sinabi ng isa sa mga miyembro ng Team Payaman na si Vivien Ilagan tungkol sa pagsali umano nila sa campaign rally.

Mismong sa Instagram story ni Ilagan inilabas na hindi totoo ang kumakalat na anunsyo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.