Celebs nakisimpatya sa pinagdadaanan ni Christopher de Leon

ABS-CBN News

Posted at Mar 18 2020 04:55 PM

MAYNILA — Nakisimpatya ang ilang celebrities sa beteranong aktor na si Christopher de Leon matapos niyang aminin na siya’y positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ang unang artista na nagsabing dinapuan ng sakit.

Lunes nang ilantad ni De Leon sa social media ang kaniyang kalagayan. Aniya, wala naman daw siyang travel history, pero tingin niya ay may nakasalamuha siyang carrier ng virus. 

Kaya pinayuhan niya ang mga nakasalamuha niya sa nakaraang 2 linggo na mag-self quarantine at makinig sa payo ng Department of Health. 

Naka-self quarantine na rin ang kaniyang asawa, anak, at kasambahay. 

Ikinalungkot naman ito ng kaibigan niyang si Tirso Cruz III.

Bagama't alam niyang malusog ang kaibigan, humihingi pa rin siya ng panalangin para sa agarang paggaling ni De Leon. 

Panalangin din ang hiling ng ibang artista para kay De Leon. 

"Will pray for you, Tito Bo," anang aktres na si Miles Ocampo. 

"Will pray for your healing! God is our best healer and He is our conqueror! God Bless you and Sandy and Mica. In Jesus name you are healed," sabi naman ng aktres na si Jackie Lou Blanco. 

"Love, light and healing brother Bo," sabi ni Pinky Amador. 

Sa Instagram post naman ng manager ni De Leon na si Lolit Solis, pinapurihan niya ang alaga sa tapang na pag-amin nito ng kaniyang kondisyon. 

Sinabi pa ni Solis na mas nag-aalala daw ang aktor ngayon sa asawa nitong si Sandy Andolong dahil mababa ang immune system nito dahil sa katatapos lang na kidney transplant. 

Sa official statement naman na inilabas ng ABS-CBN, pinayuhan na ng management na mag-self quarantine ang mga nakasalamuha ni De Leon sa taping ng seryeng "Love Thy Woman."
 
Bagama't nahinto na ang lahat ng taping, patuloy na imo-monitor ang sitwasyon ni De Leon at ng buong staff at cast at bibigyan din sila ng kaukulang tulong at suporta.

— Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.