FULL VIDEO: Nora Aunor tells PNoy to resign

By Marie Lozano, ABS-CBN News

Posted at Mar 17 2015 09:30 PM | Updated as of Mar 18 2015 11:01 AM

Taas kamao sa pangunguna sa pagmartsa kasama ang grupong migrante si Nora Aunor nitong Martes. Ito ay para sa pag-ala-ala sa 20th death anniversary ni Flor Contemplacion.

Maalalang ang “Superstar” ang gumanap ng role ng OFW sa Singapore na pinatawan ng death sentence dahil sa pagkamatay ng apat na taong batang inaalagaan. Nangibang bansa rin si Nora para magtrabaho, kaya malapit sa puso niya ang mga migrante.

Pag-akyat sa entablado, palaban si Nora!

Sinabi niyang ang agresibong labor export policy ng pangulo ang pahamak sa kababayan, at ang kawalan daw ng trabaho sa bansa ang dahilan kung bakit nangingibang-bansa ang mga Pinoy.

Kinuwsetyon pa ni Nora ang tuwid na daan ni Pangulong Aquino.

“Nanatiling hungkad at ilusyon ang matuwid na daan at ang pagpapakitang tao ni Noynoy na ‘di na natin aasahan na magpapatupad pa ng matinong programa para sa OFW. Ang totoo po, si Noynoy ang pangunahing tagabenta, pahamak at pahirap ng ating kababayan,” aniya.

Sagot naman ng Malacanang, walang basihan ang panawagan na pababain sa pwesto ang Pangulo. Sa katunayan, ang Pangulo pa raw ang gumagawa ng paraan para respetuhin at protektahan ang OFWs, lalo na kung nalalagay ang mga ito sa death row.

"Ito po ay isang mahalagang component ng paglilingkod ng ating mga embahada at konsulada para tiyakin na nabibigyan ng sapat na tulong at kalinga ang ating mga mamamayan saan man sila naroroon. Kaya't sa amin pong palagay, hindi po makatuwiran at walang batayan ang panawagang 'yan," sabi ni Sec. Sonny Coloma.

Nakakabigla ang pahayag ni Nora, lalo't ngayon lang narinig na binatikos ng aktres ang pamahalaan.

Tikom ang bibig niya noon sa isyu ng ‘di pagsama sa kanya ni PNoy sa listahan ng National Artists, pero ayon kay Ate Guy, walang kinalaman sa isyu noon ang kanyang panawagan ngayon.

Aniya, “Ang importante sa akin ay 'yung mga sobra niyang kapalpakan sa kanyang mga desisyon. Nandito rin po ako kasi sana po gumising na ang ating mga kababayan. Siguro naman po alam nila ang nangyayari sa ating pamahalaan. Gusto ko talaga bumaba na siya talaga sa puwesto.”

Hinikayat pa ni Nora na sumunod ang iba sa pinaglalaban niya.