Mula sa Instagram nina Darren Espanto at @fred_wpj
MAYNILA – Hindi nakaligtas ang bagong hurado ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime!” na si Darren Espanto sa panunukso ng komedyanteng si Vice Ganda.
Sa episode nitong Miyerkoles, ibinunyag ni Vice na “in love” na umano si Espanto at kausap umano nito ang nagpapatibok sa kaniyang puso bago umere ang noontime show.
“Kaya pala ang gwapo-gwapo nito si Darren, 'no?” bulalas ni Vice. “At saka in love, eh! Busy. Nag-hi lang ako sa kausap niya sa phone kanina.”
Sinikap namang idaan na lang sa tawa ni Espanto ang mga hirit ng mainstay host ng “Showtime” at nagpalusot na in love siya sa kaniyang trabaho.
“In love tayo sa work natin, sa ginagawa natin sa buhay,” pag-iwas ni Espanto.
Ngunit nagpatuloy ang pambibiro sa singer nang matapos itong magbigay ng komento sa isang kalahok sa singing contest.
Ayon kay Vice, mabait na bata ang tinutukoy na nali-link kay Espanto kasunod ng pagsiwalat na may kakambal ito.
“Alam mo mabait yung bata na iyon. Tuwing nakikita ko yung batang iyon, nagha-hi, kumi-kiss sa akin. Mabait sila nung kambal niya,” saad ng komedyante.
Dito na sumingit si Kim Chiu na iisa lamang ang kilala niyang kambal sa showbiz. Dinugtungan pa ito ni Amy Perez na sinabing nakatrabaho niya nang matagal ang magulang ng sinasabing kambal.
Matagal nang nauugnay si Espanto kay Cassy Legaspi, anak nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi.
Mabilis namang nakahanap ng pruweba ang mga fan kung si Cassy nga ang tinutukoy nina Vice dahil may nakakuhang studio audience na ka-video call ng mang-aawit ang batang aktres sa set ng “Showtime.”
Noong Enero, matatandaang kasama pa ni Cassy si Espanto nang ipagdiwang nila ng kaniyang kakambal na si Mavy ang kanilang kaarawan.