Teen housemates, sumabak na sa unang weekly task sa ‘PBB’

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 09:56 PM

Screenshot mula sa Kapamilya Online Live
Screenshot mula sa Kapamilya Online Live

Sumabak na sa unang weekly task ang mga teen housemate ng “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” sa kabila ng pagkakahati sa dalawang grupo. 

Kahit na magkahiwalay pansamantala ang 11 housemates, magtutulungan pa rin ang mga ito para sa kanilang task sa kabundukan na maipon ang 10 stars na sumisimbolo sa 10 edisyon ng reality show. 

Ngunit bago mapagtagumpayan ang nasabing hamon, kailangan munang dumaan sa iba’t ibang challenge ang mga ito kagaya ng “hunting task.”

Sa unang pagsubok, kinakailangan maipon ng Camp Masagana ang nasa 100 water balloons na nakakalat sa isang lugar. Ang mga ito ang gagamitin nila upang matamaan ang 10 target na katumbas ng kanilang magiging pagkain. 

75 na lobo lamang ang naipon ng grupo ngunit nahirapan silang asintahin ang mga target. Kung matatamaan ang lahat ng mga ito, makukuha nila ang dalawang star agad. 

Si Dustine Mayores ang unang nakatama sa beef na target na nagpataas sa kumpiyansa ng grupo. Unti-unti namang nakuha nina Eslam El Gohari, at Rob Blackburn ang tamang hagis at nakatama na rin ng mga board.

Sa huli, 7 sa 10 ang natamaan ng Camp Masagana para sa 1 star. Susubukan naman ng Camp Matiyaga na makuha ang 3 pang target para sa 1 pang star. 

Mapapanood ang “PBB” araw-araw sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11, iWantTFC, at TFC. Mayroon din itong 24/7 livestreaming sa Kumu.