Hanapbuhay ng bit players, stuntmen apektado ng community quarantine

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2020 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Simula 2013, nakahiligan na ni Patrick Baser David ang pagiging extra sa mga teleserye at pelikula. Ilan sa mga proyekto kung saan lumabas siya ay ang seryeng “Killer Bride” at movie na “She’s Dating the Gangster.”

Pero hindi lang hobby ni David ang pagiging ekstra dahil doon siya kumukuha ng kaniyang ikinabubuhay.

Kaya malaking dagok para kay David ang pagtigil ng shooting ng mga serye at pelikula matapos magpatupad ng isang buwang community quarantine sa Metro Manila.

“Wala kaming income... kami, ‘no taping, no pay,’’” aniya.

Problemado rin ng esktra na si Joel Yapit ang paghinto ng mga shooting.

“Problema din po ‘yong sa mga bayarin. Mahirap po para sa amin, lalo na walang ma-extra-han,” ani Yapit.

Para kay Marco Perfecto, na 4 taon nang stuntman, ibang lungkot ang hindi makapag-perform ng isang buwan.

“Sobrang apektado ako lalong-lalo na ‘yong pamilya ko. Nangangamba kami sa mga puwedeng mangyaryi, natatakot sila kasi hindi nila alam saan kukuha ng pangkain sa araw-araw,” ani Perfecto.

Ayon sa kanila, mahirap man ang situwasyon, ngayon ay kailangan nilang humanap ng paraan.

Epektibo ngayong Linggo ang isang buwang community quarantine sa Metro Manila, na isa sa mga hakbang na ipinatupad ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.