Karla Estrada, dinalaw daw ni Chokoleit sa kanyang panaginip

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2019 12:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sinabi ng aktres at host na si Karla Estrada na dinalaw siya sa kanyang panaginip ng yumaong komedyante na si Chokoleit.

Ito ang ibinahagi ni Karla sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes.

"In fact, kahapon ng madaling araw nagpakita siya sa akin sa panaginip. Nakaupo silang apat, lumingon siya. Siguro sinasabi niya, 'Momshie Karls, hindi ka pa pumupunta.' Pero talagang naka-schedule ako kahapon. Pero nakakatuwa na nagpakita siya sa akin sa panaginip," aniya.

"So may ganun, mga kaibigan, na minsan hindi mo naman lagi nakakasama pero sa puso nila ay mahalaga ka," dagdag ng aktres.

Sa programa, ibinahagi rin ni Karla kung ano ang hindi niya makakalimutang alaala na kasama si Chokoleit.

"Kaibigan ko si Chokoleit, mga 1993 pa. So nagkikita kami sa comedy bars hanggang sa maging artista. In fact, 'yung first time naming makarating mag-ina, kami ni Daniel Padilla, five years ago sa Amerika, siya ang kasama namin na nag-perform. Siya ang front act ni Daniel. Talagang grabe ang kuwentuhan namin na parang, 'Di ba dati, Day, nagkukuwentuhan lang tayo. Ngayon nandito na tayo sa Amerika,'" pagbabalik-tanaw niya.

Pumanaw si Chokoleit noong Sabado dahil sa atake sa puso at pulmonary edema matapos itong magtanghal sa Abra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.