TFC News

3 pelikulang Pilipino kasama sa 2022 Osaka Asian Film Festival kabilang ang ‘Kun Maupay Man It Panahon’

Annalyn Mabini | TFC News Japan

Posted at Mar 14 2022 03:29 PM

JAPAN – Tatlong (3) pelikulang Pilipino ang kasali sa 2022 Osaka Asian Film Festival o OAFF ayon sa Film Development Council of the Philippines o FDCP. Kabilang sa  Spotlight program ng OAFF 2022 ang ‘Whether the Weather is Fine’ o 'Kun Maupay It Panahon' ni Direk Carlo Francisco Manatad at pinagbibidahan nina Daniel Padilla bilang ‘Miguel,’ Charo Santos-Concio bilang ‘Norma’ na ina ni ‘Miguel’ at Rans Rifol bilang ‘Andrea’ na kasintahan ni ‘Miguel.’ Umikot ang kuwento sa pakikipagsapalaran ng mga character sa paghagupit ng bagyong Yolanda sa Pilipinas noong November 2013.  Ang 'Kun Maupay It Panahon' ay grantee ng FDCP FilmPhilippines International Co-production Fund o ICOF. 

Sasabak naman sa Competition section at OAFF’s Grand Prix and Most Promising Talent Award ang 2021 Metro Manila Film Festival o MMFF Best Picture ‘Big Night’ na pinagbibidahan ni 2021 MMFF Best Actor Christian Bables bilang ang hairdresser na si ‘Dharna’ habang ang ‘You and Me and the Ending’ o ‘Ikaw at Ako at ang Ending’ ay kasali naman sa Special Programs na pinagbibidahan nina Kim Molina and Jerald Napoles. 

“I am excited that three Filipino films are selected to premiere in the Osaka Asian Film Festival, to reach more audiences and eventually open more opportunities for them and our emerging local filmmakers in the future. The consistent and continuous participation of Filipino films in different intentional platforms signifies that we are on the right path,” pahayag ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño. 

Ayon pa sa FDCP, simula pa 2005 nagsusulong ng mga de kalidad na pelikula ang OAFF mula sa Japan at Asya para mas palakasin pa ang Osaka bilang Asian films hub. Hinihikayat din ng FDCP ang mga Pilipino sa Osaka na suportahan at tangkilin ang mga pelikulang Pilipino.

Ang ilang piling pelikulang kasali sa OAFF 2022 ay available na for screening hanggang March 20, 2022 sa hybrid format na may online program at theatrical screenings. Bisitahin ang official website ng OAFF para sa mga gustong bumili ng tickets.