Film fest kanselado, live shows na-postpone dahil sa coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Mar 11 2020 06:30 PM | Updated as of Mar 12 2020 12:18 AM

Watch more in iWantTFC

Patuloy ang pagkansela o pag-postpone ng mga organizer sa mga concert at iba pang public event sa Metro Manila bilang pag-iingat sa banta ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Inanunsiyo ng mga organizer ng Sinag Maynila Film Festival na kanselado na ang kanilang event ngayong Marso.

Tampok sana sa pista ang 4 pelikula, 6 dokumentaryo, at 10 short films.

Hindi na rin tuloy ang maraming seminar at iba pang pagtitipong nakalinya sa Sinag Maynila, sabi ng organizers.

Hindi pa raw nila alam kung kailan maidaraos ang film festival.

Tuluyan namang na-postpone ang 2 concert sa Resorts World Manila, tampok ang Aegis at trio nina Michael Pangilinan, Bugoy Drilon, at Daryl Ong.

Inihayag din ng Philippine Educational Theater Association (Peta) ang pag-postpone ng dulang "Under My Skin" sa darating na weekend.

Ipinagpaliban na rin muna ang dula ni Jake Cuenca na "Lungs" at "Every Brilliant Thing" sa darating na weekend, ayon sa The Sandbox Collective company. 

Iniurong na rin sa Mayo ang March concert series ni Marco Sison sa Teatrino Greenhills.

Suspendido rin ang mga palabas sa University of the Philippines Film Institute.

Ipinagpaliban na rin ang Viva Music Fest na idaraos sana sa mga kolehiyo at unibersidad ngayong Marso.

Sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 49 ang bilang ng mga pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.

Unang naiulat noong Disyembre sa Wuhan, China ang virus — na ngayo'y tinawag na SARS-CoV2 — na nagdudulot ng COVID-19. -- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.