Angel Locsin, may payo sa 'PGT' contestants

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 12:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Mula sa pagbabakasyon sa Japan, trabaho na kaagad ang hinarap ni Angel Locsin bilang celebrity judge ng reality talent search na "Pilipinas Got Talent"

Malaki ang expectation ng aktres sa kanilang live shows na magsisimula na sa March 24.

"Kailangan maghanda ang mga contestant kasi mas seryoso na ito talaga. Mas magagaling na 'yung mga makakaharap nila kaya kailangan magpakita sila ng kakaiba at pinaka-best na performance na maibibigay nila talaga," ani Angel.

Malaki rin ang naitutulong ng magkakaiba nilang opinyon sa mga hurado sa "PGT."

"Ganun naman dapat kasi binigyan tayo ng oportunidad na mag-voice out ng opinion at kami namang apat ay bukas kami kung ano ang opinion ng isa ay nirerespeto namin ang isa't isa," ani Angel.

Bawal mapikon at trabaho lang ang lahat dahil magkakaibigan sila, ayon pa kay Angel.

"Pero siyempre kapag mayroon ka talagang like na contestant na gusto mong pumasok, siyempre ilalaban mo talaga. Pero dahil ang mga kasama ko namang judges ay magagaling din naman talaga so kailangan mo lang ding pakinggan. Hindi naman sila ilalagay dito kung hindi tama ang kanilang magiging opinion. 'Yung mga decision ng kapwa judge ko ay malinaw na malinaw 'yon. Mahal na mahal ko ang kapwa judge ko. Alam namin na mahalaga kami sa isa't isa, hindi kami nagbabastusan. Pero siguro siniseryoso lang namin ang ginagawa talaga," ani Angel.

Dagdag ni Angel, malaya siyang maipapahayag ang kanyang opinyon basta walang masasaktan sa kanyang sasabihin.

"May kanya-kanya naman tayong utak at karapatan nating magsalita kung ano ang gusto natin, karapatan nating maghayag ng opinyon natin as long as hindi tayo makakasakit ng kapwa," ani Angel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.