PatrolPH

Melai Cantiveros ikinuwento ang paghihirap ng pamilya noong bata siya

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2021 02:52 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Ibinahagi ni Melai Cantiveros kung paano naghirap ang kanilang pamilya noong bata pa siya sa General Santos City matapos mawalan ng hanapbuhay ang kanilang ama.

Sa panayam sa YouTube channel ni Toni Gonzaga, ikinuwento ni Cantiveros na may kaya ang kaniyang pamilya noong bata pa siya dahil may-ari sila ng bangka na nanghuhuli ng mga isdang ipinapadala sa ibang bansa.

“Mayaman ka sa GenSan kapag may bangka ka... ‘Yong bangka na malaki, ‘yon talaga ang pinapadala sa laot, 3 months iyon nandoon para kukuha ng tuna na ipinapadala sa mga [ibang bansa tulad ng] Japan,” ani Cantiveros.

Pero nawala umano ang bangkang pangisda matapos itong lumagpas sa katubigan ng Indonesia at hulihin ng mga awtoridad ng karatig-bansa.

“Dapat may boundary lang iyong pangisdaan doon sa GenSan. Lumagpas sa boundary ng Indonesia,” ani Cantiveros.

“Hinuli iyong mga tauhan niya (ama ni Cantiveros), mga 10 iyon. Pagdating doon (sa Indonesia), sinira ang bangka namin... ang mga tauhan kinulong,” kuwento niya.

Inabot nang 2 taon bago tuluyang nakalaya lahat ng tauhan ng ama ni Cantiveros at sa loob ng mahabang panahon na iyon ay ang pamilya ng “Pinoy Big Brother: Double Up” winner ang nagpakain sa mga pamilya nila.

“After noon, from hotdog naging daing na lang [kinakain namin],” ani Cantiveros.

Matapos iyon ay ang ina ni Cantiveros umano ang nagsilbing breadwinner ng pamilya, lalo’t dumaan din sa depresyon ang ama ng TV host.

Sa 22-minute interview, ikinuwento rin ni Cantiveros ang pagdidisiplina sa kaniya ng kaniyang mga magulang at mga natutunan sa unang heartbreak.

Binalikan din niya ang umpisa ng pag-iibigan nila ng asawa niyang si Jason Francisco sa “Pinoy Big Brother.”

Sumikat si Cantiveros noong 2009 nang maging housemate sa “Pinoy Big Brother: Double Up.”

Kasalukuyang mapapanood si Cantiveros sa morning talk show na “Magandang Buhay.”

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.