KaladKaren, napasigaw nang ipakita ang throwback photo

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 01:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Napatili na lang si KaladKaren Davila o Jervi Li sa totoong buhay nang ipakita ang kanyang mga lumang retrato sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles.

"Gusto kong maging babae," paliwanag ni Jervi nang tanungin kung bakit hindi siya confident noong siya ay bata pa. 

Nagbalik-tanaw si Jervi sa kanyang dating buhay at kung paanong ang pagnanais na maging babae ang naging dahilan ng kawalan niya ng kapanatagan.

"Hindi ako masyadong confident because feeling ko hindi ako ito. Gusto kong maging girl. Gusto kong maging babae," ani Jervi.

"So parang hindi pa ako comfortable sa sarili ko because I want to be someone else," dagdag ni Jervi.

Ayon kay Jervi, ang pagtanggap at pagyakap sa kung ano ang gusto niya ang naging dahilan para siya ay maging masaya at panatag.
 
"Nag-decide talaga ako sa sarili ko na I really want to be a girl. So nagsimula na akong magbihis babae. Tapos natuto na akong mag-make up. Kapag feeling mo chararat ka dapat gawan mo ng paraan, hindi ba?" ani Jervi.

Dagdag ni Jervi, masuwerte siya na magkaroon ng mga magulang na suportado kung ano ang gusto at nais niya sa buhay.

Matatandaang nagsimulang makilala si Jervi bilang KaladKaren Davila noong mag-viral ang kanyang video sa ilog.

Ani Jervi una na niyang ginawa ang pagiging KaladKaren sa isang theater show sa University of the Philippines kung saan siya nagtapos ng kolehiyo.

Dahil sa pangarap na maging reporter, naisip ni Jervi na gayahin ang kanyang idolong si Karen Davila.

"Kasi pangarap kong maging reporter, yung news anchor ka, kagalang-galang. Tapos si Ma'am Karen, idol ko 'yan ever since. Siguro bata pa ako nasa high school ako ay pinapanood ko na ang shows niya. Tapos ginagaya ko na kung paano magsalita. Tapos sakto nung show namin sa UP naghahanap ng broadcaster tapos sabi 'uy si Jervi kayang mag-KaladKaren Davila, kayang mag-Karen Davila. Tapos in-audition ako sa role, tapos pasok. Ka-boses ko raw. Tapos the way she speaks, pasok sa banga," ani Jervi.

Matapos makilala bilang KaladKaren, sunod-sunod na ang naging proyekto ni Jervi sa showbiz.

Maliban sa magandang karera, masaya rin si Jervi sa relasyon niya sa kanyang nobyong Briton na nagbigay pa ng isang video message para sa kanya.

Ani Jervi, ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili o confidence, ang dahilan din ng magandang relasyon nila ng kanyang minamahal.

"Kasi kapag confident ka na sa sarili mo kapag wala ka na masyadong insecurities, hindi ka na praning," ani Jervi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.