MAYNILA -- Naging maramdamin ang naging pagbisita ni Erik Santos sa "Magandang Buhay" nitong Lunes nang balikan ang mga huling sandali ng kanyang ina na pumanaw nito lamang nakaraang taon.
Ayon kay Santos na kasama ang dalawa pa niyang kapatid sa pagbisita sa pang-umagang programa ng ABS-CBN, hinintay siya ng kanyang ina na makabalik mula sa kanyang trabaho sa labas ng bansa bago ito binawian ng buhay.
"Noong two weeks na nag-struggle talaga si Nanay nasa abroad ko, we were doing 'Trilogy' with Christian (Bautista) and Morissette (Amon). Every day hindi ako nakakatulog ng maayos. Sabi ko lang sa Panginoon 'Lord, konti na lang gusto ko lang maabutan ang nanay ko. Gusto ko lang siya makausap ng heart-to-heart. Gusto ko lang sabihin lahat ng gusto kong sabihin.' Kasi nung time na umalis ako ay hug lang ang kaya niyang ibigay kasi hindi na siya makapagsalita. Sabi ko, 'Lord, 'yun lang ang kahilingan ko 'yung nanay ko kung mamamatay man siya, kung kukunin Mo siya, kunin Mo siya ng kaharap ako,'" ani Santos.
"Alam mo nangyari? Napakabait ng Panginoon. Kasi talagang kung ano ang dasal ko eksakto 'yun 'yung nangyari. Hinintay talaga ako ni Nanay. Kasi 'yung two weeks na 'yon may mga times talaga na sinasabi sa akin ng mga nagbabantay bumababa 'yung O2 (oxygen) niya to 17. Tapos yung kanyang heartbeat bumababa ng 15 then biglang tataas, mai-stable. Nagtataka rin ang mga doktor. Tapos hahanapin ako, 'Nasaan na ba si Erik? Kailan ba siya uuwi?' So I really felt na she was really waiting for me," ani Santos.
Nitong Nobyembre lamang nang pumanaw ang ina ni Erik na si Angelita sa edad na 66.
Ayon kay Santos, pumayag siya at kanyang mga kapatid na bumisita sa "Magandang Buhay" para magbigay inspirasyon sa ibang tao na bigyan ng oras ang mga magulang habang nabubuhay pa ang mga ito.
"Kami kung kami ang tatanungin, ako personally wala po akong regrets kasi I know alam ni Nanay na ginawa namin ang lahat para ma-save siya, lahat kami," ani Santos.
Kaugnay na balita:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.