Pagpapahalaga sa angkan, bumida sa unang sabak ng 'Bagani'

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 11:19 PM | Updated as of Oct 31 2018 05:39 PM

Pinaghalong drama ng pagkabigo at tagumpay ang naging simula ng fantaseryeng "Bagani" sa una nitong pag-ere nitong Lunes ng gabi. 

Umiikot ang kuwento ng Bagani sa fictional na isla ng Sansinukob. Ito'y binubuo ng limang angkan: ang taga-gubat, taga-patag, taga-laot, taga-kalakal, at taga-disiyerto. 

Sa unang episode ng kuwento, ipinakilala ang bidang si Lakas na ginagampanan ni Enrique Gil. Si Lakas ang anak ng magiting na mandirigmang si Agos (Albert Martinez) at ng maharlikang si Lila (Ana Abad-Santos). 

Tulad ng maraming bayani, hindi naging madali ang kabataan ni Lakas dahil sa bintang ng mga kalaban ng kanyang ama. Tinawag siyang "anak ng traydor," dahil sa hindi pagsang-ayon ni Agos sa mga maling gawain ng kanyang angkan, ang mga taga-disyerto. 

Bagama't hindi siya tanggap ng kanilang angkan, patuloy pa rin si Lakas sa pag-asang balang araw ay magiging isa siyang magiting na mandirigma tulad ng kanyang ama. Kaya tinulungan siyang mag-ensayo ni Agos, at isinali sa isang patimpalak sa sumubok na kanyang tapang at kakayahan sa pakikipaglaban. 

Nanalo man si Lakas, hindi pinayagan ng mga lider na itanghal siya bilang batang mandirigma. Sinubukan man siyang ipagtanggol ni Agos, hindi pa rin sumang-ayon ang angkan na kilalanin ang husay ni Lakas. 

Gayumpaman, hindi matitinag ang pagpupursige ni Lakas. Kahit pa walang naniniwala sa kanyang kakayahan, patuloy siyang naniniwalang balang araw ay matatanggap din siya ng kanyang angkan. 

Sa oras ng pangangamba, sinabi kay Lakas ng kanyang ama: "Ituwid mo ang mga pagkakamali ng aming henerasyon. Bigyan mo ng dangal ang ating angkan, ang ating lahi. Ikaw ang magdadala ng pagbabago."
 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, iba-iba ang naging pagtanggap ng netizens sa unang episode ng "Bagani." Narito ang ilan mula sa Twitter: 

Mapapanood ang "Bagani" tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi pagkatapos ng "Ang Probinsyano." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.