Matteo ibinuking kung sino ang mas sweet kina Liza at Enrique

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 11:50 AM | Updated as of Oct 30 2018 08:30 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA – Binuking ni Matteo Guidicelli kung sino kina Liza Soberano at Enrique Gil ang mas sweet at mabilis magtampo sa isa’t isa.

Madalas nakakasama ni Matteo ang dalawa dahil magkakatrabaho sila sa bagong fantaserye ng ABS-CBN na “Bagani.” Bukod dito, nakasama na rin ni Matteo sina Liza at Enrique sa “Dolce Amore.”

Ayon kay Matteo, parehong sweet sina Liza at Enrique pero sa magkaibang paraan.

“Si Liza kasi parating may surprise. Si Enrique kasi hindi siya nagtatago. Binibigay niya lahat. Sobrang transparent niya, sobrang romantic talaga. Silang dalawa 'yung sweet pero different style. Si Liza patago, si Enrique naman showy.”

Sa usapin kung sino ang mas mabilis magtampo, ibinahagi ni Matteo na madalas daw magkaroon ng maliliit na hindi pagkakaintindihan ang dalawa.

Sinangayunan naman nito ni Liza.

Kuwento ng aktres: “Actually mas pinag-aawayan 'yung maraming maliliit na bagay. Kunyari kinakausap ko siya pero naglalaro siya ng video game, naiinis ako. Pero ngayon, mas marami na akong ginagawa. Naglalaro din ako, binababaan ko siya [ng telepono].”

Sa kabila nito, naniniwala si Matteo na perfect match sila Liza at Enrique.

Sa katunayan, sanay na siyang mag-third wheel sa sikat na love team.

"Sa kanilang dalawa, it’s nice. They are very nice people. They don’t make it difficult. They don’t even need a third wheel. They stand on their own. Extra, extra lang ako sa gilid," aniya.

Samantala, hindi naman hinayaan nila Liza at Enrique na hindi rin ibuking si Matteo. Anila, sweet din daw si Matteo sa nobya nitong si Sarah Geronimo.

“Sobra. Nung nasa Italy kami, tawag siya ng tawag kay love,” kuwento ni Liza.

Nabanggit naman ni Enrique na madalas nilang makitang nagde-date ang dalawa.

“Tuwing nagmo-movie kami sa The Fort, lagi namin nakakasalubong itong dalawang ito. Sunod sunod na,” sambit ni Enrique.

Mapapanood sila Enrique, Liza at Matteo kasama sina Sofia Andres at Makisig Morales tuwing gabi mula Lunes hanggang Biyernes sa “Bagani.”

Ipapalabas ito sa ABS-CBN matapos ang “FPJ’s Ang Probinsyano.”