Aljur, aminadong kinabahan sa pamamanhikan

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2018 08:01 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inamin ng aktor na si Aljur Abrenica na abot-abot ang kaniyang kaba nang mamanhikan sa pamilya ng mapapangasawang si Kylie Padilla.

"Pumunta kami sa kanila, pinakilala ko ang sarili ko, pati pamilya ko. Tinanggap naman kami ni Tito Robin (Padilla). Nagkaroon ng salo-salo," kuwento ni Abrenica sa kasagsagan ng fans day ng pinagbibidahang teleseryeng "Asintado."

"Kahit sino kakabahan talaga eh... para mamanhikan, hingin mo iyong kamay ng anak sa isang pamilya. Panibagong chapter iyon," ani Abrenica.

Wala pang napagkusunduan petsa ang pag-iisang dibdib nina Abrenica at Padilla.

"Hindi pa namin maisarado kasi gusto namin makarating lahat, tulad ng pamilya ni Kylie, nanay niya, pati iyong mga kapatid niya," ani Abrenica.

May mensahe din si Abrenica sa ama ni Padilla na si Robin.

"Salamat, Tito Robin. Marami siyang aral na ipinamahagi sa akin," aniya.

Matatandaang naging masalimuot ang relasyon nina Abrenica at Robin nang mabuntis si Kylie kahit hindi pa kasal.

Nais sana ni Robin na ikasal muna si Kylie bago ito magkaanak.

Pero kalaunan ay isinantabi ni Robin ito at nagkasundo ang dalawang aktor, alang-alang umano sa kaligayahan ni Kylie at ng apo. -- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.