PatrolPH

Maymay Entrata, inaming masaya ang kanyang puso

ABS-CBN News

Posted at Mar 03 2022 01:16 PM

MAYNILA -- Walang paglagyan ang saya ni Maymay Entrata pagdating sa buhay pag-ibig.

Sa panayam sa Inside News ng Star Magic, inamin ng aktres na masaya siya na makasama ang espesyal sa kanyang puso nitong nakaraang Pebrero.

"Ang buong February ko ay masayang-masaya po. 'Yung puso ko ay masaya, siyempre kasama ko ang special sa puso ko," ani Entrata.

"Tapos isa na rin siguro dahil itong February na ito, madami sa pamilya ko ang nag-birthday kaya grabe, punong-puno ng selebrasyon," dagdag niya.

Watch more News on iWantTFC

Matatandaang nito lamang Pebrero 14, Araw ng mga Puso, ay sinorpresa ni Entrata ang kanyang mga tagahanga sa paglabas niya ng isang retrato na nagpapakita sa aniya'y kanyang "Valentino."

Nakatanggap ang aktres ng mga pagbati mula sa mga tagahanga at ilang kasamahan sa industriya.

Ilang araw matapos ang pagpapakilala niya sa kanyang "Valentino," pinalagan ni Entrata ang isang video na aniya ay nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa katauhan ng napapabalitang nobyo nito.

Sa Twitter, isang screenshot ng vlog na aniya'y naglalaman ng "fake news" ang ibinahagi ni Entrata. Sa ngayon ay hindi na makikita sa YouTube ang naturang video. 
 

Samantala, kasalukuyang nasa Canada si Entrata upang tuparin ang pangarap na mag-aaral sa ibang bansa.

"Ang buhay ko rito sa Canada ay masaya-masaya. Kasi parang matagal ko na po talagang pinlano na mag-study abroad at alam 'yan ng nanay ko kahit hindi pa ako artista. Tapos ayun na nga, nangyari na siya, kaya masaya ako," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.