Lorna Tolentino, aminadong hirap sa pagiging kontrabida

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 12:01 PM | Updated as of Feb 28 2020 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Markado si Lorna Tolentino sa kanyang papel bilang si Lily na napapanood gabi-gabi sa "FPJ's Ang Probinsyano" na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Kuwento ni Lorna, Lily na ang tawag sa kanya ng mga manonood kapag nakikita siya sa personal kaya inaalis niya ang trademark bangs ni Lily kapag may pagkakataon.

"Kailangang i-side ang bangs. Kasi kapag naka-bangs ako parang ang tingin ng tao 'ay si Lily. Ms Lily, puwede po bang magpa-picture?' Ganyan, Lily na. So kapag wala (ang bangs) Ms. LT na ulit. Pero happy naman ako na ganun ang tinatawag sa akin kasi ibig sabihin nanonood talaga sila," ani Lorna.

Mahirap para kay Lorna ang maging kontrabida. Aminado siya na malaking bahagi ng kanyang energy ang nabubuhos para bigyang buhay ang kinaiinisan niyang papel.

"Nakaka-drain talaga... Minsan (mapapaisip ka) na mayroon bang ganito, mayroon bang ganitong tao? 'Yung ganun. Kaya lang napa-pacify ako ng mga katrabaho ko rin, kapwa ko artista at sinasabing, marami silang ganyan,'" ani Lorna.

Hindi ikinakaila ni Lorna na nadadagdagan ang kanyang edad at isa ito sa mga dahilan ng major renovation ng kanyang bahay.

"Kailangan na sa akin is more of a senior-friendly home na, hindi ba? Dumarating tayo sa point na mahihirapan na tayong umakyat ng hagdanan, so sana one level na lang 'yung sa akin, 'yung mga ganun," ani Lorna.

Hitik pa rin sa endorsements si Lorna at hindi nawawalan ng projects dahil sa 'di kumukupas na ganda at husay bilang isang artista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.