'A Soldier's Heart,' pinuri ng mga sundalo

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2020 12:10 PM

MAYNILA -- Nakatanggap ng papuri mula sa mga totoong sundalo ang pinakabagong serye ng ABS-CBN na "A Soldier's Heart. 

Ayon kina Corporal Jovelyn Gonzaga, Captain Jeffrey Buada, at Staff Sergeant Joey De Guzman, nakikita nila ang kanilang sarili sa mga karakter ng sikat na serye na katulad nila, ay matinding sakripisyo rin ang ibinibigay para sa bansa. 

Ibinahagi ito ng tatlong sundalo sa isang video kung saan hiningi ang kanilang reaksiyon ukol sa serye.

Inalala ni Gonzaga ang naging karanasan niya sa pagpasok sa militar nang mapanood niya ang episode tungkol sa pinagdaanang training ng mga bida.

“For six months na training na 'yun, nandoon lahat. Na-experience mo 'yung hindi maligo ng tatlong araw. Gigising ka ng 4 a.m., matutulog ka ng 10 p.m. Pero after noon sobrang worth it nung ginawa kasi mag-iiba talaga 'yung personality and perspective mo pagdating sa buhay,” ani Gonzaga.

Halos maging emosyonal naman si De Guzman, isang battle casualty na naputulan ng kamay, nang mapanood ang eksena kung saan nasa gitna ng pakikipagbakbakan ang mga bida ng serye, dahil siya mismo ay nalagay na rin sa bingit ng kamatayan.

“Dito sa napanood ko, parang naalala ko 'yung nangyari sa amin sa parteng Jolo. Nagkabakbakan, hanggang sa natamaan ako. Naputol 'yung kaliwang kamay ko. ... (Pero) hindi hadlang 'yung kapansanan para lang makapagsilbi sa bayan. Tuloy pa rin ang buhay,” ani De Guzman. 

Naalala rin ni Buada ang kasamahan niyang namayapa sa gitna ng pakikipaglaban matapos matunghayan ang pagkamatay ng karakter ni Ketchup Eusebio sa serye.

“Masakit sa akin na makita 'yung mga kasamahan namin na natutumba, tinatamaan. Tapos mababalitaan namin na hindi naka-survive. Every time na maaalala namin 'yun, nararamdaman ulit namin sakit,” ani Buada.

Samantala, magpapatuloy ang matitinding bakbakan at madamdaming tagpo sa “A Soldier’s Heart” sa pagsabak nina Alex (Gerald Anderson) at kanyang mga kasamahan sa una nilang misyon bilang opisyal na scout ranger. 

Paghihiganti naman ang mamamayani sa puso ni Yasmin (Irma Adlawan) sa muling pagtatagpo ng landas nila ni Minda (Mickey Ferriols), ang asawa ng sundalong si Dante (Rommel Padilla) na itinuturing ni Yasmin na sumira sa kanyang pamilya.

Mapapanood ang “A Soldier’s Heart” tuwing gabi sa ABS-CBN mula Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng "Make It With You." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.