Nonie Buencamino may payo sa mga magulang

ABS-CBN News

Posted at Feb 28 2019 04:22 PM

Nagpayo ang beteranong aktor na si Nonie Buencamino sa mga magulang na alaming mabuti ang mga aktibidad at pinagdadaanan ng kanilang mga anak. 

"Look more deeply into the activities of your children and what they're doing and what they're going through," sabi ni Nonie sa episode ng "Tonight With Boy Abunda" noong Miyerkoles.

Watch more in iWant or TFC.tv

Binitiwan ni Nonie ang payo sa okasyon ng pag-alala niya sa pagpanaw ng anak na si Julia noong 2015.

Ayon kay Nonie, base sa kaniyang karanasan sa Julia Buencamino Project, marami raw talagang lumalapit sa kanilang mga teenager na hindi aakalain ng ibang tao na may pinagdaanan.

"Maraming lumalapit sa amin, maraming mga kaso ng mga teenagers na akala mo okay," sabi ni Nonie.

Ang Julia Buencamino Project ay proyekto ni Nonie at ng misis na si Sharmaine na ipinangalan sa kanilang yumaong anak. Layon nitong magtaas ng kamalayan sa mga isyung may kinalaman sa mental health.

Sa kaniya namang pag-alala kay Julia, ikinuwento ni Nonie na maraming bagay na itinago sa kanila ang anak, na nalaman lamang nila matapos itong pumanaw.

"Marami siyang itinago sa amin, marami siyang front. I would like to think she's a very good actress," aniya.

"Sa mga diaries niya, sa artwork niya, sa kaniyang poetry, doon lang namin nakilala kung ano ba 'yong pinagdaanan niya so she was going through a deep form of depression."

Lumabas kamakailan si Buencamino sa pelikulang "Alone/Together" na pinagbidahan ng tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil.

Bida rin sa entablado si Buencamino sa musical na "Dirty Old Musical," na mapapanood sa Music Museum hanggang Marso 23.

Para sa mga may pinagdadaanan at nangangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 24/7 HOPELINE sa mga sumusunod na numero:
- (02) 804-HOPE (4673)
- 0917 558 HOPE (4673)
- 2919 (toll-free number for all GLOBE and TM subscribers)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.